Una sa Balita

Abby Binay nagpasalamat sa suporta ng mga taxpayer

0 407

Pinasalamatan kahapon ni Makati City Mayor Abigail ‘Abby’ Binay ang mga taxpayer sa kanilang matatag na suporta sa pamahalaang lungsod, matapos umabot sa mahigit P16.8 bilyon ang kabuuang koleksyon nito noong Nobyembre, na mas mataas ng walong porsiyento sa target para sa buong taon ng 2018.

Sinabi ni Binay ikinalulugod niyang nananatiling maganda ang kalagayang pinansiyal ng Makati, lalo na ang patuloy na paglago at pagdami ng negosyo sa nasabing lungsod.

Batay sa ulat ni Acting City Treasurer Jesusa Cuneta, nahigitan na ang target para sa buong 2018 ng walong porsiyento matapos makalikom ng P16,864,483.31 mula Enero hanggang Nobyembre.

Aniya, nananatiling pinakamalaki ang naiambag ng Business Tax na may halos P9.1 bilyong koleksyon, na sinundan ng Real Property Tax na may P5.5 bilyon. Ang iba pang local revenue sources ay kinabibilangan ng Fees and Charges,­ P750.9 milyon, at Economic Enterprises, P246.9 milyon.

Samantala, nagtala ang Business Permits and Licensing­ Office ng 4,770 bagong business registrants mula Enero hanggang ikalawang linggo ng Disyembre, na may pinagsamang capital investment na nagkakahalaga ng mahigit P30 bilyon. Ang business renewals naman ay umabot sa 33,978 sa loob ng naturang panahon.

Sa pamamahala ni Mayor Abby, naitatag ng pamahalaang lungsod ang ‘Business One-Stop Shop’ alinsunod sa Ease of Doing Business and Efficient Service Delivery Act of 2018 (RA 11032).

Sinabi ni Binay ang ground floor ng Makati City Hall Building II ay ginawang single common site para sa pag-proseso ng mga application at payment, at sa pag-isyu ng aprubadong license, clearance at permit.

Pinaikli rin ang proseso ng renewal at application para sa new business permit sa tatlong hakbang: 1) Receiving of application and all requirements, (2) payment, at (3) issuance of the Business Permit. Sa pamamagitan ng mas simpleng proseso, maaari nang makuha ng mga aplikanteng may kumpletong requirement ang kanilang business permit sa loob ng isang oras.

Sa kasalukuyan aniya isinasaayos ng lungsod ang enhanced Business Permit and Licensing System o e-BPLS, isang computerized system na nagbibigay access sa mga business permit sa pamamagitan ng iba’t ibang platform.

Ipinagmalaki ni Mayor Abby na nakakuha aniya ang Makati ng kauna-unahang ‘unqualified opinion’, ang pinakamataas na audit rating na ibinibigay ng Commission on Audit (COA), batay sa ginawang pagsusuri ng huli sa 2017 financial statements ng lungsod.

Nakapagtala rin ng two-digit increase (12 percent) sa revenue collections ang Makati noong 2017, matapos ang halos 12 taon na pawang one-digit increase ang naitala.(Armida Rico)