Una sa Balita

Abante sinindak ng mga pekeng PDEA

0 268

Tatlong kalalakihan na nagpakilalang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagtangkang pumasok sa planta ng Abante at Abante Tonite sa Vitalez Compound Parañaque City gabi nang Martes.

Alas-8:18 nang gabi kamakalawa nang dumating sa planta ang tatlong lalaking sakay ng silver Toyota van na hindi naplakahan.

Nauna rito, pinasok na rin ng apat na armadong lalaki ang naturang tanggapan. Binuhusan ng gasolina ng mga maskaradong suspek ang planta bago sinilaban ang mga makina at nakaimbak na mga supply ng imprenta.

Noong Martes ay tatlong lalaki naman ang pumunta sa planta kung saan base sa pahayag ng nakatalagang security guard na si Roger Norbe, ng Café Fear Security and Investigative Agency, pagdating ng tatlong lalaki na nagpakilalang mga tauhan ng PDEA ay hinanap ang naka-duty na supervisor na sinasabing kaila­ngan nilang kausapin.

Agad namang tinawag ni Norbe ang supervisor na si Rodney Palmes at nang makaharap na ni Palmes ang tatlo ay sinabihan itong sumama sa kanila sa may Valley 1 ng na­sabing lungsod.

Sinabi naman ni Palmes sa mga nagpanggap na PDEA na tatawagan muna nito ang kanyang boss para ipaalam ang pagdating ng tatlong lalaki.

Nang aktong tatawagan na ni Palmes ang pinaka-in charge sa tanggapan ng planta ay big­lang umalis ang tatlong lalaki at dali-daling sumakay ng kanilang sasakyan. Hindi naman sinabi ng tatlo kung bakit isasama nila ang supervisor at para saan ito.

“Basta’t ang sabi lang po nila na isasama daw po nila ako sa may Valley 1 para sa interbiyu lang daw po kahit isang oras lang at wala naman silang sinabi kung anong dahilan” anang supervisor hinggil sa tatlo na halos tumagal ng 5 minuto.

Sa pagbusisi naman sa nakalagay na closed-circuit television (CCTV) footage, may conduction sticker ang sasak­yan ngunit hindi malinaw ang kuha sa sticker number nito.

Samantala, itinanggi naman ng pamunuan ng PDEA na nagpadala sila ng mga tauhan sa planta na pag-aari ng Prage Management Corporation sa nasabing lungsod.

Ayon kay PDEA Public Information Office Chief Derrick Carreon, wala silang mga tauhan na pinadala sa lugar para magsagawa ng operation.
“Bakit mayroon bang mga involve na mga empleyado na gumagamit ng droga o nangyayaring transaksyon doon sa lugar para puntahan ng mga tauhan namin?” ani Carreon.

Aniya, talamak na ngayon at iba-iba ang modus ng mga masasamang loob na nagpapakilalang mga taga-PDEA pero iba ang kanilang mga pakay.

“Huwag po tayo kaagad maniwala ‘pag nagpapakila silang mga tauhan ng PDEA. Kailangan ‘pag may mga ganyang operation, ito po ay dapat mga naka-uniporme at may mga nakasabit na ID. Mga peke po iyang mga iyan. Wala kaming taong pinapapunta at wala din po kaming sasakyan na Toyota van” paglilinaw pa ni Carreon.

Inatasan naman ni Natio­nal Capital Region Police Office Director Police Major Ge­neral Guillermo Eleazar si Parañaque City Police Chief Police Col. Robin Sarmiento na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa insidente.

Sinabi ni Eleazar, nagbigay na siya ng direktiba kay Sarmiento na tutukan ang insidente.

“Sinabi ko sa chief of police ng Parañaque na oras-oras o minu-minuto ay magpaikot siya ng mobile patrol sa lugar at sa tatlo pang opisina ng Abante” ani Eleazar.

Magugunitang ala-una nang madaling-araw noong Setyembre 9 ay pinasok ng armadong grupo, pinaliguan ng gasolina ang bahagi ng planta at sinunog na ikinasugat ng dalawang empleyado ng Abante.

Matapos isagawa ang pa­kay ay mabilis nang nagsitakas sakay ng dalawang motorsiklo ang apat na ‘di nakilalang kalalakihan. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy