Una sa Balita

Aarangkada na ang ‘TRAIN’

By
0 1,635

Matulad kaya sa MRTirik ang aarangkadang “Train Law” o Tax Reform for Acceleration and Inclusion, na kakabayuhin ng maraming aberya sa biyahe at mapeperwisyo ang mga ­nakisakay dito?

Kung may tamis-­anghang sarap sa ­ketsup, aba’y tamis-pait naman siguro ang dulot ng TRAIN sa mga kababayan natin na may regular na trabaho at suweldo. Pero sa milyon-milyong informal workers, o mga walang regu­lar na trabaho at kita gaya ng mga nagtitinda ng ­taho at fishball, baka pait lang ang matikman nila at hindi nila malasahan ang tamis.

Sabi nga ng ating kurimaw, para daw ampalaya ang TRAIN Law na binalutan ng chocolate. Sa ­unang kagat, malalasahan ang tamis dahil sa kaltas sa income tax kaya madadag­dagan ang mauuwing kita. May mga kababayan tayo na posibleng malasahan na ang tamis na ito sa Enero 15 na unang sahod ng taon.

Iyon nga lang, kapag idiniin na ang kagat, matatamaan na ang pait ng ampalaya dahil sa taas din ng buwis sa iba’t ibang serbisyo at produkto. Pero sa mga taas-singil sa buwis na ito, ang sinasabing tiyak na iindahin ng mga kababayan natin ay ang kukunin sa mga produktong petrolyo.

Kung paniniwalaan natin mga tsong ang sinasabi ng ating mga opisyal, sa ikalawang linggo ng Enero, o halos kasabay din ng pagkubra sa suweldo sa a-kinse, mararamdaman ang pagtaas sa presyo ng oil products gaya ng diesel, gas, at LPG. Kung tama ang pagtaya sa magiging dagdag sa presyo ng oil pro­ducts, nasa P2.50 per liter ang madadagdag sa presyo. 

Kaya kung nasa P33 hanggang P36 per ­liter ang presyo ng ­diesel, posibleng aabot ito nang hanggang P39. Habang ang presyo ng gasolina na nasa P47-P49 per liter, maa­aring umabot sa P49-P53 per liter dahil sa TRAIN.  Pero may se­cond at third round pa ng tax hike sa oil products sa susunod na mga taon kaya tataas pa iyan. Eh papaano pa kaya kung sumiklab muli ang gulo sa ­Middle East at maapektuhan na naman ang suplay ng krudo? Aba’y nalintikan na.

Batay sa pagsu­baybay sa presyuhan ng mga produktong petrolyo sa ­mundo, nasa P73 per liter mga tsong ang presyo ng gasolina sa ibang ­bahagi ng mundo, habang nasa P65 naman ang diesel.

At dahil tataas ang presyo ng gas at ­diesel na gamit sa mga pampublikong sasakyan, kaniya-kaniya na nga­yon ng tiga ang mga transport group para ­humirit ng dagdag-singil sa pasahe. Kung regular ka sa trabaho na madagdagan ang maiuuwing sahod dahil sa Train, may mabubunot kang barya na pambayad sa taas-singil sa pasahe.

Kaya lang, paano ang taas-singil sa kur­yente at bawas-takal sa kanin o mas mahal na ulam sa karinderya? Eh ang mga informal workers, papaano na? ­Tiyak din na sasamantalahin ng mga tinda­han at grocery ang taas sa presyo ng kanilang mga tinda, lalo na ang mga matataas na inumin na pasok din sa ­taas-singil sa buwis.

Pero ‘wag naman daw maging bitter ang mga malalasahan ang pait ng TRAIN dahil ang kapalit naman daw ­nito ay ang matamis na mga bagong kalsada na popondohan ng kikitain sa bagong singil na buwis kaya bawas-trapik.

Ngunit sa totoo lang, marami sa mga proyekto na bagong kalsada na matatapos sa taong ito ng 2018 hanggang sa unang bahagi ng 2019 ay mga napasimulan na ng nagdaang administrasyong Aquino, na noon ay hindi nagpatupad ng bagong singil sa buwis maliban sa sigarilyo.

Anuman ang mangyari, subaybayan natin mga tsong ang ­takbo ng TRAIN at ­saka tayo magpasya sa mga nakisakay dito pagsapit sa 2019 midterm ­station, este elections…

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” ­(Twitter: @dspyrey)