Una sa Balita

A.K.A. MS. TERRIFIED

0 360

Unang labas

Anak ako ng isang OFW, ni Maria Salome Villa­nueva, ipinagmamalaki kong DH sa maliit pero ma­unlad na Singapore. Ang tatay ko? Si Lando Villanueva, taxi driver na ayon sa mga bulung-bulungan sa kanto ay sweet lover ng kapitbahay namin na tita ng longtime friend kong si Marco.

Nakatuntong naman ako sa college kahit papa’no dahil sa pagsisikap ni nanay, pero hindi ko na natapos ang HRM na kinukuha ko kasi big­lang nagkaroon ng problema si nanay sa pagpapadala ng pera kaya napilitan akong huminto na muna.

“Sherlyn! Tulungan na kita!” si Marco. Pampam na naman. Paano ko hindi masasabing pampam, e shoulder bag ko lang naman ang dala ko nag-o-offer na tulungan ako? Ano ‘yon mabigat ba ‘yon? Hello, para saan pa ang balikat ko?

“No thanks, kaya ko na’to!”

“Ano kumusta sa call center, mahirap ba? Nag-nose bleed ka ba?” excited pang tanong ni Marco habang sinasabayan ako sa paglalakad sa makitid na daan ng eskinita namin. Unang araw ko kasi sa call center sa Makati kung saan ako natanggap matapos ang ilang buwan kong paghahanap ng trabaho.

“Medyo, pero kaya ko naman!”

Bigla akong kinabig ni Marco patabi sa isang sulok at nayakap niya ako na sa tingin ko naman ay hindi niya sinasadya. Pero ‘yung pagtitig niya sa mga mata ko habang yakap ako, ‘yon hindi ako sure kung sinasadya niya o baka naman may nakita lang siyang muta! Teka, baka nagtataka kayo kung bakit kinabig niya ako sa isang sulok?

Aprub sa’kin ‘yon, pa’no ba naman kasi may shooting na naman ang mag-asawang sina Aling Norma at Mang Kulas! Naghahabulan na naman sila ng taga kesehodang kaawaan o pagtawanan sila ng mga kapitbahay wapakels sila!

“Sherlyn okay ka lang ba, nasaktan ka ba?”

Related Posts

“Okay lang ako, salamat ha.”

Nakauwi ako ng safe dahil kay Marco. Kung hindi niya ako naiiwas ay baka natamaan ako ng lumilipad na itak ni Mang Kulas.

“Ate pasalubong ko?” si Shasha. Ang bunso kong kapatid na limang taong gulang… limang taon na rin pala mula nu’ng huling umuwi si nanay. Medyo mahaba kasi ang kontrata niya ngayon…

“Sorry Shasha ha, kasi nakalimutan ni ate na bumili ng pasalubong para sa makulit na prinsesita, pero don’t worry, eto oh, bibigyan kita ng seven pesos para makabili ka ng mamon sa tindahan, okay ba ‘yon?”

“Okay na okay ate!”

Matapos kaming magkasundo ni Shasha kasama na sa routine ko ang kumustahin ang tatlo ko pang kapatid na inihabilin ko sa pinsan kong si Ate Eva.

“Oy andito ka na pala! Kumusta ang boss mo?” si Ate Eva na maluwang ang pagkakangiti.
“Bakit boss ko ang kinakamusta mo?”

“Siyempre, kung okay ang boss, e okay din ang trabaho, pero kung hindi okay ang boss e ‘di hindi rin okay magtrabaho ‘di ba?”

“Hmp! Ewan ko sa’yo, kumusta ‘yung tatlo?”

“Okay na okay, ayun gumagawa sila ng assignment sa kuwarto.”