Una sa Balita

A ‘ber’ to remember

By
0 144

Pumasok na ang tinatawag na “ber” months, na hudyat ng papalapit na Pasko. Pero ang iba, sa halip na ma-excite sa bonus eh kinakabahan dahil sa “pagmamahal”, hindi ng puso kundi ng mga bilihin.

Kung sa pagmamahal na tungkol sa pag-ibig eh sinasabi ng iba na walang forever, pagdating sa pagmamahal ng mga bilihin, mukhang mayroong forever. Sa tantiya mismo ng Bangko Sentral ng Pilipinas, posibleng umabot daw sa 5.9 percent [aba’y nahiya sigurong isara sa 6 percent] ang inflation rate ngayong Agosto. Mas mataas ito sa 5.7 percent noong Hulyo.

Para sa kaalaman ng iba, ang inflation rate ang sukatan ng pagbaba o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. At dahil sa mga nakaamba pang pagtaas ng mga bilihin sa pagpasok ng “ber” months dahil sa patuloy na pagmahal ng mga presyo ng produktong petrolyo, kuryente, maging ang singil sa mga “toll”, paghina pa rin ng piso, kakulangan sa suplay ng bigas, karne at iba pa, aba’y baka marami sa kababayan natin ang mag-Paskong tuyo.

Ang masaklap nito, alam ba ninyo na 2008 pa nang huli nating maramdaman ang mataas na inflation rate o mataas na presyo ng bilihin sa pagpasok ng “ber” months? Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 10.1 percent ang inflation noong September 2008 na panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Sa inaasahang 5.9% inflation ngayong Agosto 2018, ang pinakamalapit o halos kapantay nitong antas eh nangyari noong Abril 2009 na 5.6%. Magmula nang maging Pangulo si Benigno “Noynoy” Aquino III noong Hulyo 1, 2010, ang pinakamataas na inflation na naitala sa kanyang administrasyon ay 5.2% na nangyari noong June at October 2011.

Nang umalis si Noynoy sa kapangyarihan noong June 2016, nasa 1.9% lang ang inflation at nagwakas sa average na 1.8% . Nangyari iyan sa panahon na walang bagong buwis ang Aquino administration, maliban sa mga tinatawag na “sin products” at sinabayan ng mas malaking gastusin at paggamit ng pondo ng gobyerno sa impraestruktura.

Tanong ng ating kurimaw, nagkataon lang kaya na sumipa ang inflation nang ipatupad noong Enero 2018 ang Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, na nagpataw ng bagong singil sa buwis sa iba’t ibang produkto gaya ng petrolyo at iba pa? Huwag kalimutan na tatlong buhos ang Train Law na ‘yan at may “wait, there’s more” pa sa 2019 at 2020. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”