Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

900 kaso isasampa ng DPWH sa right-of-way isyu

0 369

Magsampa ng mahigit 900 kaso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa iba’t ibang korte sa bansa para kunin at gamitin sa mga proyekto ng pamahalaan ang mga pribadong lupa na ayaw ipagbili ng mga may-ari sa gobyerno.

Ayon sa Supreme Court Public Information Office (SCPIO), ito lang ang paraan ni DPWH Secretary Mark Villar para makuha ang mga pribadong ari-arian na pagtatayuan ng mga proyekto ng pamahalaan.

Sa isang pahayag, sinabi ng SCPIO na nagpalabas na ng guideline o patakaran ang SC kasabay ng pagtatalaga ng 11 regional trial court na hahawak sa mga expropriation case para sa mga ari-arian na maaapektuhan ng mga road project ng pamahalaan.

Matatagpuan ang 11 special RTC na didinig at magpapasya sa mga expropriation cases na may kaugnayan sa mga proyektong imprastraktura ng gobyerno sa Imus, Trece Martires, Dasmarinas, Tagaytay, Caloocan at Maynila.

Sa ulat, may ilang proyekto ng pamahalaan ang nauunsyami dahil sa mga right-of-way isyu kung saan ang iba ay umabot pa ng korte.

Dahil sa mga problemang ito kaya nagpasaklolo umano si Villar kay Chief Justice Diosdado Peralta at sa Office of the Court Administrator (OCA) para sa pagsasakatuparan ng malalaking proyekto ng DPWH sa ilalim ng Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte.

Inilabas na ng SC ang Guidelines for Special Expropriation Court for Public Roads noong Enero 19 kung saan itinatakda nito na dapat sundin ang umiiral na “2019 Proposed Amendments to the 1997 Rules of Civil Procedures” kung saan dapat tapusin ng 180 araw ang mga pagdinig matapos magprisinta ng mga ebidensya.

Ipalalalabas naman ang desisyon sa mga usapin sa loob ng 90 araw simula sa pagsusumite ng desisyon maliban na lang kung agad itong itatakda ng korte. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.