Una sa Balita

.8M lumahok sa Sinulog fluvial

By
0 1

Umabot sa halos 800,000 mga deboto ang lumahok at nakisaya sa religious fluvial procession ng imahe ng Sto. Niño at Virgen of Guadalupe mula sa Mandaue City patungo sa Cebu City bilang paggunita ng taunang Sinulog Festival.

Bagama’t marami ang dumalo, sinabi ni Cebu City Police director Sr. Supt. Joel Doria na ang prusisyon ay naging maayos at payapa nang walang naganap na karahasan o anumang gulo.

Bandang alas-tres ng madaling-araw pagkatapos ng isang misa nang simulan ang fluvial procession sa St. Joseph national shrine sa Mandaue City.

Pagkatapos ng misa, libu-libong mga deboto ang sumama sa pag-iikot ng imahe ng santo sa Ouano Wharf kung saan higit sa isang daang sea vessels, kabilang ang galleon na pagsasakyan ng imahe ng Sto. Niño ang naghintay sa pantalan.

Bandang alas-sais ng umaga nang magsimula ang fluvial procession kung saan inikot-ikot ang santo sa Mactan-Cebu channel at idinaong sa Pier Uno sa Cebu.

Dinumog ng mga deboto ang pampang ng Mactan-Cebu channel para antabayanan ang pagdaan ng fluvial parade na patungong Basilica Minore del Santo Niño de Cebu. Mahigpit namang ipinatupad ng pulisya ang pagtutok sa paligid ng pinagdarausan ng prusisyon.

Pansamantalang pinutol ng National Telecommunications Commission (NTC) ang signal ng cellphone simula kahapon ng madaling-araw bilang parte ng mahigpit na seguridad sa pagdiriwang na Sinulog Festival sa Cebu City.

Partikular na apektado ng naturang signal jamming ang mga lungsod ng Cebu, Talisay, Mandaue, Lapu-Lapu maging ang mga bayan ng Consolacion, Cordova, Liloan at Minglanila.