8K sa CL, sumuko sa droga
By Edwin Balasa, Jun BorlonganUmakyat na sa 8,000 katao na nasasangkot sa droga sa buong Central Luzon ang sumurender sa kapulisan makaraang paigtingin ng Police Regional Office 3(PRO3)ang kanilang kampanya sa illegal drugs partikular sa Bulacan na halos 50 tulak ng droga na ang napaslang mula noong Hulyo 1.
Base sa report ni PRO3 Acting Regional Director, P/Chief Supt. Aaron N. Aquino, lumitaw na halos 1,000 Bulakenyo na ang sumuko sa pulisya at lokal na opisyal bunga na rin ng matinding takot sa sunud-sunod na pagkakapaslang ng mga drug pusher sa Bulacan na malapit nang umabot sa 50 tulak ang napatay sa mga engkuwentro.
Marami ring sumuko mula sa Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija at Bataan.
Samantala, umabot na sa 4,000 drug personalities ang boluntaryong sumuko sa Bicol region.
Ayon kay C/Supt. Melvin Buenafe, PNP Bicol Regional Director, ang nasabing bilang ng mga sumuko ay simula lang nitong Hulyo 1 hanggang sa kasalukuyan kaya hindi umano imposibleng mangyari na mula tatlo hanggang anim na buwan ay makakayang malipol ang mga drug suspects sa Bicol region.