Una sa Balita

88 trak ng basura nahakot pagkatapos ng Traslacion

0 189

NASA may kabuuang 88 trak ng basura ang nahakot ng lokal na pamahalaan ng Maynila simula nang mag-umpisa ang aktibidad ng Poong Itim na Nazareno noong Disyembre 30, 2018 hanggang sa matapos ang Traslacion, kahapon nang madaling-araw sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila.

Sinabi ni Che Barromeo ng Department of Public Safety (DPS) ng Manila City Hall, nasa 6 na trak ng basura ang nahakot sa paligid ng Quiapo, kahapon nang umaga.

Bukod pa sa nakaistambay na trak ng basura sa Plaza Miranda na iniwan para ipanghakot sa natirang basura sa mga gilid-gilid ng kalsada.

Nalaman na may apat na trak ng basura rin ang nawalis ng mga street swee­per na nakabuntot sa hulihan ng mga deboto mula sa mga inilalaglag na basura ng mga deboto sa kasagsagan ng prusisyon.

May 6 na trak ng basura rin ang nahakot sa panahon ng ‘pahalik’ sa Quirino Grandstand.

Ito ay sa kabila ng panawagan na huwag magkalat ng kanilang mga basura at bawal ang mga vendor, madami pa rin ang mga pasaway na deboto na hindi sumusunod sa panawagan ng lokal na pamahalaan.

Gayunman, noong nakalipas na Traslacion ay umabot sa 90 truck ng basura ang nahakot sa panahon ng aktibidad ng Poong Itim na Nazareno. (Juliet de Loza-Cudia)