Una sa Balita

8-taong kulong kay ex-Gov. Reyes ng Palawan

By
0 3

Sinentensyahan ng Sandiganbayan na makulong hanggang walong taon si dating Palawan Gov. Joel T. Reyes matapos mapatunayang guilty sa kasong katiwalian kaugnay ng paglabag sa Small-Scale Mining Law noong 2006.

Inabsuwelto naman ng Sandiganbayan Third Division ang kapwa akusado ni Reyes na si Andronico Jara Baguyo, technical secretariat ng Provincial Mining Regulatory Board.

“Wherefore, accuse Joel Tolentino Reyes is found guilty beyond reasonable doubt of violation of Section 3(e) of the Republic Act No. 3195 and is sentenced to an indeterminate penalty of imprisonment of six (6) and one (1) month, as minimum to eight (8) years, as maximum, with perpetual disqualification from holding public office,” ayon 33-pahinang desisyon ng korte.

Nag-ugat ang kaso ni Reyes nang payagan umano ni Reyes ang Platinum Group Metals Corp., isang small-scale mining firm, na mag-extract ng ores ng mahigit 282,729.35 metric tons na nagkakahalaga ng P565 million sa loob ng dalawang taon simula 2006.

Paglabag umano ito sa Mining Law na 50,000 metric tons lang ang puwedeng i-extract na mineral ore ang isang small-scale mining firm kaya noong 2008 ay kinasuhan si Reyes kasama si Baguyo ng kasong katiwalian.

Matapos ang siyam na taong pagdinig sa nasabing kaso ay sinentensyahan si Reyes na guilty sa nasabing kaso habang inabsuwelto naman si Baguyo dahil sa kawalan ng ebidensya na magdidiin sa kanya sa kaso.

Si Reyes ay kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong pagpatay sa radio broadcaster at environmentalist na si Dr. Gerry Ortega noong 2011.

Kasama ni Reyes na akusado sa murder case ang kapatid nitong si dating Coron, Palawan Mayor Mario Reyes Jr.