Una sa Balita

8 kalsada sa NCR kukumpunihin ng DPWH

By
0 460

Isang travel advisory ang inilabas ng Department of Public Works and Highways-National­ Capital Region (DPWH-NCR) sa mga motorista na umiwas dumaan sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) at ibang lugar sa Quezon City si­mula alas-11:00 nang gabi ng Biyernes hanggang alas-singko nang mada­ling-araw sa Lunes, July 16, 2018.

Dahil kukumpunihin ang apat na kalsada sa kahabaan ng southbound direction ng EDSA at apat iba pang kalsada sa Q.C. ngayong weekend.

Ang kagawaran ay nakakuha na ng clea­rance mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang makapagsagawa ng repair at reblocking sa kahabaan ng EDSA mula Arayat Street hanggang Ignacio Diaz, 4th lane mula sa sidewalk; Timog Avenue hanaggang Kamuning Road, 2nd lane mula sa sidewalk; at ang harap ng Francesca Tower hanggang pagkatapos ng Scout Borromeo, 3rd lane mula sa center island; at ang northbound direction mula Vertis North hanggang Trinoma Mall, 2nd lane mula sa sidewalk.

Ang iba pang mga kalsada na kukumpunihin ay kinabibilangan ng northbound directions ng Batasan Road, mula Commonwealth Avenue hanggang Kalinisan Street, 1st lane; A. H. Lacson Avenue, malapit sa Aragon Street; Congressional Avenue, bago sa kanto ng Jupiter Street, 1st lane; at Fairview Avenue mula Mindanao Avenue Extension hanggang Jordan Plains Subdivision, 3rd lane.

Kasabay nito, pinayuhan ang mga motorista na umiwas sa naturang mga lugar at dumaan na lamang sa mga alterna­tibong daan dahil sa inaasahang pagsikip ng trapiko.