Una sa Balita

8 GUSALI NABAWI NG AFP!

By , , ,
0 102

Nakubkob na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang walong gusali na pinagkukutaan at pinagkublihan na itinuturing na pinaka-strategic area ng mga miyembro ng Maute Terror Group partikular ng mga sniper.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo, ang mga sniper ng Maute at ang kanilang machine guns ang nagpahirap sa ope­rasyon ng militar sa loob ng may mahigit na tatlong linggo sa Marawi siege.

Bunsod nito, naniniwala si Arevalo na malapit nang matapos ang krisis sa Marawi sa pagkakakubkob ng militar sa walong gusali na pinagkublihan ng miyembro ng Maute Terror Group partikular ng mga sniper.

Gayunman, ­ibayong pag-iingat pa rin ­aniya ang ipinatutupad ng mga sundalo dahil hawak pa rin hanggang ­ngayon ng mga terorista ang kanilang bihag na pawang mga residente ng Marawi.

ISIS bomber timbog

Kasabay nito, nadakip kahapon sa Cagayan de Oro City ang isang clan member ng Maute Group na miyembro ng lokal na ISIS sa Marawi City na nakikipaglaban sa militar sa kasalukuyan.

Sinabi ng Eastern Min­danao Command, natunton si Mohammad Noaim Maute, alias Abu Jadid, sa kanyang hideout sa Barangay Maca­san­dig.

Itinanggi pa nito na siya si Mohammad Noaim Maute at hindi rin umano siya miyembro ng ISIS o Maute Group at estudyante lamang siya.

Isa umanong bomber si Mohammad, ayon sa militar.

Nagpakita pa ito ng identification card mula sa isang unibersidad na may pangalang Alfaiz P. Mamintal, ngunit hindi naman nakapalag nang ipakita sa kanya ang isang wanted terrorist poster na naroon ang kanyang tunay na pangalan at litrato.

Kasalukuyang nasa ilalim ng interogasyon si Mohammad at inaalam pa ng mga awtoridad kung paano ito nakatakas sa Marawi at kung may mga kasamahan ito.

11 bangkay inilibing

Samantala, inilibing na kahapon ang may 11 bangkay mula sa Marawi City na naipit sa kaguluhan na hindi kinukuha ng kanilang mga kamag-anak na nakalagak sa punerarya sa Iligan City.

Ayon sa mga may-ari ng punerarya ng Capin Funeral Homes na si Danilo Capin, noong Mayo 23 pa nang simulang ilagak sa kanila ang mga bangkay pero wala pa ring umaangkin.

Kabilang sa inilibing ay ang apat na babae at isang bata. Ang mga ito ay naaagnas na at halos hindi na rin makilala.

Umaabot sa 20 bangkay ang dinala pero 11 pa ang walang kumukuha.

Kahapon ng umaga ay inilibing na ang mga labi sa Dalipuga Cemetery sa Iligan City matapos basbasan ng bendisyon ng pari.

Nakakuha naman na ng DNA samples ang mga pulis upang makatu­long sa mga posibleng maghahanap sa mga ito.

Sinagot naman ng Crisis Management Com­­mittee ang mga gagastusin para sa libing.

5% bakwit naiwan sa evacuation centers

Tinatayang nasa limang porsiyento lamang ng 66,738 pamilya na apektado ng kaguluhan sa Marawi City at bayan ng Marantao sa Lanao del Sur ang kinakanlong sa mga evacuation center.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, ang mahigit 60,00 pamilya ay binubuo ng 324,406 na indibidwal.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy