Una sa Balita

8 ginang pinosasan sa P1.3M utang

By
0 25

Arestado sa kasong robbery extortion at ­estafa ang walong ginang sa Pateros makaraang hindi mabayaran ang halagang P1.3 milyon na kanilang inutang sa isang negos­yante kahapon.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Tomas Apolinario ang mga nadakip na sina Luz Ulila, Mercedita Mina, Lorenie Ba­terna, Zenaida Manipon, Zibeth Aquino, Gloria Portodo, Angie Suarez at Elizabeth Jalbuna, kapwa nasa hustong gulang at pawang mga tindera at naninirahan sa Barangay San Roque, Pateros.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni Senior Inspector Jervin Galvez ng Pateros Police, dakong alas-dos ng hapon nang isagawa ang entrapment operation sa loob ng isang fastfood chain sa tapat ng San Roque Church ng nasabing lungsod.

Base sa salaysay ng biktima na itinago sa pa­ngalang ‘Michael’, 45-­anyos, noong nakaraang buwan ay humiram sa kanya ng P1.3 milyon ang walong suspek para sa kanilang puhunan sa pagtitinda.

Makailang beses naningil si Michael sa mga suspek subalit hindi siya binabayaran at tinatakot pa siya ng mga ito.

Sa halip na magbayad ang mga suspek ay nanghihiram muli ang mga ito ng P200,000 at nanakot na kung hindi sila papa­utangin ay lalong hindi nila babayaran ang utang.

Dahil sa takot ng biktima ay nagsumbong na ito sa mga awtoridad na nagkasa ng entrapment operation laban sa mga suspek.

Muling nakipag-usap ang biktima sa mga ­suspek na pauutangin na sila at nang aktong iaabot ni Michael ang P200,000 ay mabilis na pinosasan ang walo.

Katwiran ng mga suspek na nagkaroon sila ng problema kaya’t hindi nila agad nabayaran ang kanilang utang sa biktima.