Una sa Balita

8 coast guard kulong sa 2013 killing ng Taiwanese

0 238

HINATULAN ng walo hanggang 14 taon pagkabilanggo ang walong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ng Manila Regional Trial Court (RTC), Branch 15 kaugnay sa insidente ng pagkamatay ng isang Taiwanese national sa Balintang Channel incident noong 2013.

Bukod sa hatol na pagkabilanggo, inatasan rin ni Presiding Judge Eduardo Ramon Reyes ng Manila RTC Branch 15 na magmulta ng tig-P100,000 sina Commanding Officer Arnold Dela Cruz; Seaman 1st Class (SN1) Edrando Aguila; SN1 Mhelvin Bendo II; SN1 Andy Gibb Golfo; SN1 Sonny Masangcay; SN1 Henry Solomon; SN1 Richard Corpuz; at Seaman 2nd Class Nicky Renold Aurelio.

Ang tig-P100,000 multa ay para sa P50,000 civil indemnity at P50,000 para sa moral damages.

Samantala, pinayagan muna ng hukuman ang mga akusado na manatiling nakalalaya sa pamamagitan nang inilagak nilang piyansa habang nakaapela pa ang kanilang kaso sa hukuman.

Ang mga akusado ay kinasuhan dahil sa pagkamatay ng Taiwanese fisherman na si Hong Si Cheng, noong 2013, sa ‘Balintang Channel’ nang pagbabarilin ng mga tauhan ng PCG ang Taiwa­nese fishing vessel na Kuang Ta Hsing No. 28, na ikinasawi ni Cheng.

Iginiit ng PCG na self-defense ang nangyari dahil tinangka umano ng Taiwanese vessel na banggain ang kanilang patrol boat.

Ang naturang insidente ay naging kontrobersya at nagdulot ng pagkakaroon ng lamat sa relasyon ng mga bansang Taiwan at Pilipinas.

Samantala, sinabi ni PCG Spokesman Armand Balilo na hindi sila titigil sa paggawa ng legal re­medies para sa kanilang mga tauhan.

Nakatakda umanong iapela ang nabanggit na hatol ng Manila RTC sa Court of Appeals.(Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy