8 bahay sa Caloocan naabo

Walong bahay ang naabo sa gitna ng lockdown sa Caloocan City, Biyernes ng gabi.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-10:30 ng gabi nang magsimula ang sunog sa Socorro Street, Barangay 27, Maypajo.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Ric Balbon.
Dahil gawa sa light materials ang kanyang bahay, mabilis na kumalat ang apoy kaya nadamay ang kapitbahay na si Belinda Cese kung saan tinupok din ang anim pang kabahayan.
Nagbayanihan ang mga residente sa pag-apula ng apoy gamit ang tubig mula sa drum hanggang sa dumating na ang mga bumbero.
Alas-11:00 ng gabi nang tuluyang maapula ang sunog na umabot sa unang alarma.
Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan habang inaalam pa ang pinagmulan nito pati na ang halaga ng natupok na ari-arian. (Orlan Linde)