Una sa Balita

78% ng mga Pinoy kontento sa demokrasya

By
0 721

BUMABA nang bahagya ang bilang ng mga Filipino na nagsasabing kontento sila sa umiiral na demokrasya sa bansa.

Inihayag ito ng Social Weather Stations (SWS) batay sa kanilang survey kung saan naitala sa 78 porsiyento ng mga Filipino ang kontento, mas mababa ng dalawang puntos sa 80 porsiyento na naitala noong Hunyo 2017.

Ginawa ang SWS survey ginawa noong Marso 23-27 na may 1,200 res­pondent mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao.

Ito ang pinakamababang nakuhang marka ng administrasyong Duterte mula sa record high na 86 porsiyento noong Setyembre 2016 at ikalawang pinakamataas na 80 porsiyento noong Hun­yo 2017.

Gayunman, ang 78 porsiyento na resulta ng survey ay mas mataas pa rin kumpara sa mga nagdaang administrasyon nina dating Pangulong Fidel Ramos at Joseph Estrada na naitala sa 70 porsiyento at kay Gloria Macapagal-Arroyo na 68 porsiyento.

Tanging si dating Pa­ngulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang nakakuha ng 80 porsiyento noong Hunyo 2013.

Lumabas din sa SWS survey na 60 porsiyento ng mga respondent ay mas gusto ang ‘democ­ratic government’ patu­ngo sa ibang sistema, 19 porsiyento ang mas gustong ‘authoritarianism’ habang 21 porsiyento ang nagsabing walang kaso sa kanila kahit ano pa ang maging porma ng pamahalaan.