Una sa Balita

77 ospital dedma sa Anti-deposit Law

0 246

“May batas na laban diyan!”

Ito ang babala kahapon ni Senadora Risa Hontiveros kasunod ng ginagawang imbestigasyon ng Department of Health (DOH) sa ilang reklamo laban sa mga ospital na lumabag sa Republic Act 10932, o Strengthened Anti-Hospital Deposit Law, kung saan humihingi ang mga ito ng deposito sa kanilang mga pasyente.

“Panatag ang loob ko na hindi pinapalampas ng DOH ang pagiging abusado ng ilang mga ospital,” pahayag ng senadora sa ulat na may 77 kaso ang ngayon ay sinisiyasat ng DOH.

Paliwanag ni Hontiveros, author ng naturang batas sa panahon ng emergency, hindi dapat humihingi ang mga ospital ng deposit o anumang uri ng advance payment bago bigyan ng emergency care.

“Tandaan po natin: walang katumbas na pera ang buhay ng isang tao. This law exists precisely to protect every Filipino from hospitals that prioritize profit over care,” sabi ng mambabatas.

Kasabay nito ay nanawagan si Honti­veros sa publiko na isumbong sa DOH ang mga ospital na lumabag sa nasabing batas.

“May tinalagang Sumbungan Board ang DOH para sa batas na ito. Isumbong natin ang mga abusadong ospital para matigil ang mga ganitong pangyayari,” paalala ng senadora sa publiko.

Sa ilalim ng batas, ang mga complainant­ ay maaring maghain ng kanilang reklamo sa mga Health Facility Oversight Board.

Sinumang ospital na lumabag sa naturang batas ay maaring magmulta ng hanggang P300,000 at maharap sa pagkakakulong ng hanggang dalawang taon at apat na buwan.

Kung tatlong beses na lumabag ang ospital maaring ma-revoke ang kanilang lisensiya. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy