Ibinasura ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang apela ng PLDT-Salim at pinal nang ipinag-utos na gawing regular sa trabaho ang mahigit 7,000 mga manggagawa ng kompanya na pag-aari ng 71-anyos na binatang negosyante na si Manuel V. Pangilinan.
Bukod sa pagbasura sa motion for reconsideration ng PLDT-Salim na humihiling na baligtarin ang naunang resolusyon ng DOLE noong Enero 10, 2018, ipinag-utos din ng kagawaran na magbayad ng P51.6 milyon bilang benepisyo sa kanilang mga manggagawa.
Sa resolusyon ng DOLE na may petsang Abril 24, ibinasura ni Secretary Silvestre Bello III ang apela ng PLDT-Salim at ng 35 nitong mga contractor dahil sa kawalan ng merito.
Partikular na pinanindigan ng DOLE na gawing regular sa trabaho ng PLDT-Salim ang mga manggagawa na mula sa Activeone Health Incorporated, Aremay Enterprise, BBS-VPN Allied Services Corporation Philippines, Best Options Assistance Incorporated, Comworks Inc, Consolidated Management Resources, Curo Teknika Inc. at Diar’s Assistance Inc.
Ayon sa DOLE, maituturing kasi na labor-only contracting ang pag-deploy ng mga nasabing kompanya ng mga manggagawa sa PLDT-Salim na ipinagbabawal sa Labor Code.
Sakop din ng direktibang ito ang iba pang kompanya na nagsusuplay ng mga manggagawa sa PLDT-Salim.
Pero, pinagbigyan naman ng DOLE ang apela ng apat na contractor ng PLDT-Salim.
Ang apat na kompanya na idineklara ng DOLE bilang mga lehitimong contractor ay ang Customer Frontline Solutions Inc., Pro Tek Telecoms Support Inc., SL Temps, St. Clair Security and Investigation Inc., at Trigold Security and Investigation Agency Incorporated.
Kabilang ang PLDT-Salim sa mga kompanyang inatasan ng DOLE na i-regular ang kanilang mga manggagawa.
Nauna nang ipinag-utos ng kagawaran sa mga kilalang food chain sa bansa ang pagre-regular sa mga nagtatrabaho sa kanila, kabilang dito ang Jollibee, McDonald’s, Chowking, Mang Inasal at KFC.