Una sa Balita

70 taong relasyon ng Pilipinas at South Korea

0 324

Isa sa mga mahalagang aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre ay ang pagdalo nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Republic of Korea (ROK) Commemorative Summit na ginanap sa Busan, South Korea nitong nakalipas na linggo.

Ang dalawang araw na summit ay kinapalooban ng sunod-sunod na pulong ng ASEAN lea­ders at ni South Korean President Moon Jae-in.

Sentro ng mga pulong ang pagsusulong sa common values ng ASEAN at South Korea na 3Ps o ang people, prospe­rity at peace na siyang pundasyon ng regional connectivity.

Sa unang sesyon pa lang ng summit ay inilatag ni Pangulong Duterte ang mga prayoridad ng Pilipinas, katulad ng paglaban sa transnational crime na malaking banta sa iba’t ibang bansa sa mundo.

Ayon sa Pangulo, mahalaga ang kooperasyon ng iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng palitan ng impormasyon at intelligence para malabanan ang problema at matigil ang mga sindikatong sangkot sa iligal na droga, human trafficking, cybercrime at iba pang uri ng krimen.

Tinalakay rin ng Pa­ngulo sa ASEAN-ROK commemorative summit ang isyu ng climate change at ang pagtatapon ng mga basura sa karagatan, kung saan hinimok nito ang mga dumalong state leader na magtulungan at huwag hayaang mapinsala ang mga yamang dagat dahil makokompromiso ang food security ng mundo.

Tampok sa pagdalo ni Pangulong Duterte sa summit ay ang bilateral meeting nina Pangulong Duterte at South Korean President Moon Jae-in kung saan limang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea na inaasahang kapwa pakikinabangan ng dalawang bansa.

Kabilang dito ang kasunduan sa social security, implementation prog­ram ng memorandum of understanding sa tourism cooperation, cooperation in fisheries, at kasunduan sa aspeto ng edukasyon at ang matagumpay na negosasyon para sa free trade agreement ng dalawang bansa.

Ang mga kasunduang ito ang inaasahang magpapaigting pa sa koo­perasyon ng Pilipinas at Korea.

Habang nasa Korea ang Presidente ay nakipagkita ito sa top business leaders kung saan binuksan niya ang pintuan ng Pilipinas para maglagak ng puhunan, habang ang ibang mayroon ng negosyo sa bansa ay hinimok na dagdagan pa o mag-expand ng kanilang negosyo.

Ginarantiyahan ni Pa­ngulong Duterte sa Korean businessmen ang seguridad ng kanilang negosyo at hindi niya papayagang mapagsamantalahan ang mga ito ng mga corrupt sa gobyerno.

Ipinagmalaki ng Pa­ngulo sa mga negos­yante na nagpatupad ang kanyang administrasyon ng mga pagbabago para maalis ang red tape sa burukrasya, at patunay rito ang ipinatutupad ng ‘Ease of Doing Business in the Philippines’.

Naging makabuluhan ang pagbiyahe ni Pa­ngulong Duterte sa Busan dahil nataon ito sa ika-70 selebrasyon ng bilateral relations ng Pilipinas at Korea kaya isipin na lamang kung gaano na katagal ang magandang ugnayan ng dalawang bansa.

May espesyal na parte sa puso ng mga South Korean ang mga Pilipino dahil sa pagtulong natin sa kanila na labanan ang mga komunista noong Korean War.

Hindi naman pinalagpas ng Presidente ang pagkakataon para personal na ipaabot kay President Moon ang pasasalamat sa mabilis na pagtulong ng kanyang gobyerno sa mga na­ging biktima ng lindol sa Mindanao.

Nagkasundo sina Pangulong Duterte at President Moon na iangat pa ang level ng magandang relasyon ng Pilipinas at South Korea para sa mas makabuluhang partnership sa susunod na taon na mangangahulugan ng mas maigting na kooperasyon tungo sa parehong pag-unlad.

Kinilala naman ni President Moon ang ginagawang pagsisikap ni Pangulong Duterte na maiangat ang bansa kung saan kapansin-pansin ang malaking paglago ng ekonomiya, at ayon sa kanya, “the Philippines is the future of ASEAN”.

Nakakatabang pakinggan ang mga papuring nakukuha ng Duterte administration mula sa mga lider ng ibang bansa dahil sa kahanga-hangang paglago ng ekonomiya sa ilalim ng liderato ni Pangulong Duterte.

Ang South Korea ang ika-apat na pinakamalaking trading partner ng Pilipinas na may kabuuang 13 billion pesos na halaga ng naipasok na pamumuhunan sa bansa.

Ito rin ang pinakamalaking source ng turista na bumibisita sa Pilipinas. Sa katunayan, nasa 1.45 million South Korean tourists na ang dumating sa bansa mula January hanggang September pa lang.

Di naman maitatanggi talaga ang lakas ng K-pop at Koreanovela sa mga Pinoy kaya tayong mga Pinoy gusto ring dayuhin ang South Korea.

Maging si President Moon ay inimbitahan din ni Pangulong Duterte na bumisita sa Pilipinas sa susunod na taon. Ito ang posibleng pagkakataon din para pirmahan ang free trade agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa huling araw ng summit, pinuri ni Pangulong Duterte ang interes ng South Korea na makipagtulungan sa iba pang bansa sa ASEAN para mapaigting ang magandang ugnayan sa ilalim ng kanilang New Southern Policy.

Ang South Korea ay isang maaasahan at mahalagang partner at kumpiyansa tayong sa susunod na 30 taon ay mas magiging produktibo at mas lalalim pa ang partnership natin dahil nakaugat na ito sa pagkakaibigan at respeto.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy