Una sa Balita

7 pulis na nagpaputok ng baril sibakin sa serbisyo — Ping

0 592

Ipinasisibak ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pitong pulis na napaulat na nagpaputok ng kanilang baril nitong nakalipas na Pasko at Bagong Taon.

Gamit ang kanyang twitter account, ipi­nadama ng senador ang kanyang galit sa ginawa ng mga pulis na posible umanong magdulot ng matinding kapahamakan o kamatayan sa mga maaaring matamaan ng bala.

Aniya, wala nang pagkakataon pa upang manatili sa serbisyo ang mga kinilalang trigger-happy pulis dahil malinaw aniya na hindi pinahahalagahan ng mga ito ang buhay ng bawat indibidwal.

“Hindi pinatatagal sa serbisyo ang mga abusadong pulis. Malinaw na pagpapakita ng hindi pagpapahalaga sa buhay ang ginawa ng pitong pulis na walang habas na nagpaputok ng kanilang baril nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon, kung kaya’t wala nang pagkakataon pa para sila ay manatili sa serbisyo,” saad ni Lacson.

“What if someone got hit and died, or paralyzed? Damn these scumbags! They have no purpose in life, really. Give them the boot ASAP, Chief,” giit pa ng senador na dating hepe ng PNP noong administras­yong Estrada.

Una nang isiniwalat ng pamunuan ng PNP na nahaharap na sa mga kasong administratibo ang mga pulis na nagpaputok noong Pasko at Bagong Taon.

Kabilang din sa mga kinilalang nagpaputok ng kani-kanilang mga baril nitong nagdaang Disyembre 16 hanggang Enero 1, 2019 ay dalawang opisyales ng pamahalaan, isang sundalo, 10 sibilyan, dalawang guwardiya at isang sibilyan na taga­pagpatupad ng batas. (Anne Lorraine Gamo)