Una sa Balita

7 magbabarkada hinoldap sa excursion

By
0 19

Hindi bababa sa P45,000 ang halaga ng mga kagamitan at pe­rang natangay sa pitong magbabarkada na galing sa excursion matapos na holdapin sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon­ City Police District (QCPD)- Batasan Station VI, ganap na alas-otso ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng IBP Road, Barangay Batasan Hills ng nasabing lungsod.

Ayon sa isa sa mga biktimang si Darilene Bonfacio, 19-an­yos, kasalukuyan ­umano sila noong sakay ng dalawang­ tricycle at binabaybay ang nasa­bing kalsada nang bigla na lamang na sumulpot ang nasa limang kalalakihan at humarang sa kanilang dadaanan.

Nang makahinto ang kanilang mga tricycle ay lumapit ang mga suspek na mga armado ng baril at saka nagdeklara ng holdap. Sapilitang pinagkukuha ang mga bag ng biktima maging ang kanilang mga cell phone at suot na alahas.

Matapos na makuha lahat ng mapapakinaba­ngan ay agad ding nagsitakas ang mga suspek habang mabilis na humingi ng saklolo sa nasabing istasyon ang mga biktima ngunit hindi na naabutan ang mga kawatan.

Madalas umano ang holdapan sa naturang lugar na siya ngayong iniimbestigahan ng pulisya.