Una sa Balita

7 draw kay Wesley So

By
0 828

Nalasap ni super grandmaster Wesley So ang pitong sunod na draw kaya naman nanatili ito sa tersero puwesto sa 2018 US Championships na ginanap sa Saint Louis Chess & Scholastic Chess Club sa St. Louis, Missouri, USA.

Nakipaghatian ng puntos si 24-year-old So kay GM Varuzhan Akobian (Elo 2647) matapos ang 34 moves ng Gruenfeld defense sa round 9 kahapon at ilista ang 5.5 points.

May dalawang rounds na lang sa 12-player single round robin, isang puntos ang hinahabol sa nangungunang si GM Samuel Shankland na kinalos si GM Yaroslav Zherebukh sa 71 moves ng Queen’s Gambit Declined.

Nakalikom si Shankland ng 6.5 pts. habang mag-isa sa second place si World Championship Challenger GM Fabiano Caruana (Elo 2804).

Tangan ni Caruana ang anim na puntos matapos ang 53 moves draw ng Ruy Lopez Opening kontra GM Hikaru Nakamura.

Tinarak muna ni Imus, Cavite native So ang dalawang sunod na panalo sa rounds 1 at 2 bago kumadena ng tabla.

Kailangan ni So, dating pambato ng Phi­lippine Chess Team na sikwatin ang panalo sa dalawang natitirang laro upang makahabol kay Shankland.

Sunod na makakalaban ni So sa round 10 ay si GM Ray Robson.