Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

7 Balikbayan galing Africa yari sa IATF

0 213

Sasampolan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga pitong biyahero mula sa South Africa kung saan nagmula ang bagong variant na Omicron na hanggang ngayon ay hindi pa matunton dahil sa kulang-kulang o maling impormas­yon sa isinumiteng mga dokumento pagdating sa bansa.

Nauna nang inamin ng Department of Health (DOH) na nahihirapang matunton ang walong balikbayan na dumating sa bansa noong Nobyember 15 hanggang Nobyembre 29 dahil sa kakulangan ng mga impormasyon sa isinumiteng mga datos.

Sinabi ni IATF chairperson at Health Secretary Francisco Duque III na pananagutin ang mga balikbayan sa maling impormasyong kanilang inilagay.

“Kapag ito ay nahuli sila, masita sila, ay kakasuhan natin dahil hindi naman puwede ‘yung ganong nag­lalagay ka ng mga impormasyon na hindi tama, hindi totoo,” pahayag ni Duque sa panayam ng Super Radyo dzBB kahapon.

“Kagaya niyan, gusto mo mag-back-tracing, mahihirapan ka mag-back-tracing dahil hindi mo alam saan mo sila hahanapin ngayon. So pinapaimbestiga pa rin natin ‘yan at tinitingnan ano ang mga lead,” dagdag nito.

Sa kasalukuyan ay pitong balikbayan na lamang ang hinahanap.

Ang isang natagpuan ay sumasailalim na sa home quarantine at nagnegatibo sa COVID test.

Sinabi pa ni Duque may batas na umiiral laban sa mga hindi nagbibigay ng tamang impormasyon ngayong panahon ng pandemya.

“Meron naman tayong batas diyan no na nagsasabi na lahat ng ilalagay mo diyan dapat totoo otherwise puwede ka mademanda… lalo na nasa public health emergency tayo,” sabi pa ni Duque.

Nagpasaklolo na rin sa Philippine National Police (PNP) ang Bureau of Quarantine para matunton ang address ng pitong balikbayan.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Bureau of Quarantine Director Roberto Salvador Jr. na hiningi na nila ang tulong ng PNP para mapuntahan ang address ng mga hinahanap na kababayan.

Umapela rin si acting Presidential Spokesman Karlo Nograles sa pito na mag-report sa mga awtoridad upang masuri at para na rin sa kanilang kaligtasan at ng kanilang pamilya.

“We are not scaring you, we just want your cooperation. Last resort na yung sinasabi na magsampa ng kaso. We want everyone’s cooperation. I will leave it to our law enforcement agencies or prosecutors to investigate. Hindi naman agad agad, investigate muna natin and we’ll have to ask them questions,” dagdag ni Nograles. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.