Una sa Balita

7 apartment nasunog sa Navotas

By
0 330

MAHIGIT P300K na halaga ng mga ari-arian ang naabo sa naganap na sunog sa isang apartment sa Navotas kamakalawa nang hapon.

Sa ulat ni FO2 Arbie Locahin ng Navotas City – Bureau of Fire Protection BFP, alas-dos nang hapon nang mag-umpisa ang sunog sa kisame ng isang unit ng apartment na matatagpuan sa Brgy. San Jose ng nasabing lungsod.

Mabilis na gumapang ang apoy hanggang sa ikapitong unit dahil na rin sa gawa sa kahoy ang mga kisame na madaling dilaan ng apoy.

Agad na nakaresponde ang mga bumbero subalit dahil sa makikipot na daanan patungo sa nasusunog na mga unit ay nahirapan silang makapasok sa lugar. Agad na inakyat sa ikatlong alarma ang sunog na hindi na rin kumalat sa ibang katabing bahay.

Inabot ng tatlong oras bago idineklarang fireout ang sunog. Wala namang naiulat na nasawi sa insidente ngunit isang bumbero ang suga­tan matapos na mahulog sa bubong habang nagbobomba ng tubig.
Lumalabas sa pagsisiyasat na kuryente ang pinag-ugatan ng apoy. Nasa 15 mga pamilya ang naapektuhan ng sunog.