Una sa Balita

63 Water district hinigop ni Villar

0 1,275

Prime Water pahaharapin sa Ombudsman, Senado

NAGHAIN ng reklamo sa Ombudsman at sa Senado ang general manager ng dalawang water district sa Caraga region upang paimbestigahan ang Prime Water Infrastructure Corporation na minamay-ari ng bilyonaryong negosyanteng si Manny Villar.

Sa tatlong pahinang reklamo sa Ombudsman at Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon, nanindigan sina Engr. Elmer Luzon ng San Francisco Water District sa Agusan del Sur at Engr. Anselmo Sangtian ng Butuan City Water District na labag sa PD 198 at Exe­cutive Order No. 68 ang pagpasok sa concession type ng 76 water district sa bansa.

Nais ng dalawang pinuno ng water district na maimbestigahan ang Prime Water ni Villar, kasama ang kasalukuyang administrator ng Local Water Utilities Administration (LWUA) dahil sa isinagawang privatization ng higit sa 100 water district sa pamamagitan ng Private Public Partnership at Joint Venture Agreement.

Dapat umanong sumailalim sa konsultasyon ang privatization ng mga water district alinsunod sa Executive Order No. 68.

Sa 76 water district na isinapribado, 63 ang pumasok sa 25 taong kasunduan sa ilalim ng JVA concession type partnership sa Prime Water.

Isa sa tinukoy nila ay ang Surigao City Metropolitan Water District na may 25 year JVA-concession agreement sa Prime Water.

Matatandaan itinutulak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Prime Water ni Villar para siyang mag-takeover sa pagsu-supply ng tubig sa Metro Manila.
Ito’y sa kabila ng reklamo ng mga consumer sa kalidad ng tubig at mataas na presyong sinisingil ng mga water district na sinakop ng kompanya ni Villar.

Wala pang tugon si Gordon sa inihaing reklamo sa kanyang tanggapan.

Miyembro din ng Senado ang asawa ni Manny Villar na si Senador Cynthia Villar.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More