Una sa Balita

61st Palaro iraratsada ngayon ni Pres. Duterte

By
0 916

MAGTATALUMPATI bilang panauhing-pandangal at tagapagsalita saka pormal na bubuksan ngayong hapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 61st Pala­rong Pambansa 2018 sa Elpidio Quirino Stadium sa Bantay, Ilocos Sur.

Ipakikila ang Punong Ehekutibo ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa kanyang ikalawang sunod na taong pagdalo sa okasyon, inaasahang muling igigiit niya sa mga kabataang atleta sa sekondarya’t primarya tulad noong isang taon sa San Jose de Buenavista, Antique, na huwag magdroga.

Dadalo rin sa pagtitipon na may tema sa taong itong ‘Palarong Pambansa 2018: Championing The Spirit of Young Fi­lipino Athletes’ na sisimulan sa alas-11:30 ng umaga sina Department of Education Secretary Leonor Briones, Philippine Sports Commission Commissio­ner Charles Raymond Maxey, Ilocos Sur Gov. Ryan Luis Singson, Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at sina Olympian swimmer Joseph Eric Buhain, four-time Bowling World Cup champion Rafael Nepomuceno at 8-time world pro-boxing champ Sen. Emmanuel Pacquiao.

Kaugnay nito, pinairal ni Vigan Police chief Supt. Marlon Castillo, Jr. ang total gun ban sa buong lalawigan, lalo na sa UNESCO World Heritage Site Vigan City at karatig pang mga bayan na pagdarausan ng 23 regular sports, 3 demonstration sports at 4 na special games.