Una sa Balita

60M pork ng bawat kongresista ‘di palulusutin sa Senado

0 293

Nakatakdang magpulong ngayong Lunes ang mga senador upang desisyunan kung mamada­liin o hindi ang pagpapatibay ng panukalang P3.757 trilyong ­budget ng pamahalaan para sa taong 2019.

Ito ang isiniwalat ni Senate Majority Leader Juan Miguel ­Zubiri kung saan malalaman ngayon kung magkakaroon ng special session ang Senado upang maihabol ang pagpapatibay ng panukalang budget bago magbakasyon para sa Christmas season.

“Magmiting kami bukas (Lunes) kung ano ang gagawin,” wika ni Zubiri.

Hanggang Disyembre 14 na lang sana ang sesyon ng Senado, pero posible itong mapalawig nang isa pang linggo kung papayag ang mga senador. Kung hindi ito maihahabol ngayong taon, sa Enero 2019 na muling matatalakay ang panukalang budget kaya’t magkakaroon ng reenacted budget.

Nais ng ibang senador na magkaroon ng mahabang panahon sa pagbusisi sa inaprobahang bersyon ng Kamara sa panukalang budget bunsod ng alegasyon na may P51.7 bilyong ‘pork barrel fund’ ang mga kongresista na isiningit sa panukalang budget sa pamamagitan ng ‘parking.’

Dahil dito, magkakaroon ng tig-P60 milyong pork ang bawat kongresista, habang mas mataas naman sa ibang masuwerteng malalapit kay House Speaker ­Gloria Macapagal-Arroyo.

Haharangin ng ilang senador ang pagsingit ng pork barrel fund ng mga kongresista. Noong mga nagdaang taon, hindi pinalusot ni Senador Panfilo Lacson ang ilang bilyong pisong pork ng ilang masuwerteng kongresista kung kaya’t napunta ito sa pondo ng libreng edukasyon sa kolehiyo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy