Una sa Balita

600 Chinese sinipa sa coronavirus scare

0 476

TINATAYANG 600 turistang Chinese na dumating sa Kalibo, Aklan, ang ibabalik muli sa Wuhan, China kung saan nagmula ang novel coronavirus (2019-nCoV) outbreak.

Ito ang kinumpirma ni Civil Aviation Board Exe­cutive Director Carmelo Arcilla kung saan sila ay ihahatid pabalik ng Royal Air Charter at ng Pan Pacific Airlines, kagabi (Biyernes), ngayong Sabado at sa Lunes sa kabila ng ipinatutupad na lockdown sa Wuhan.

Nabatid na ang Pan Pacific ay nag-o-operate ng Martes at Sabado, habang ang Royal Air ay Lunes hanggang Sabado.

Nabatid na ang deadly virus ay umabot na sa ibang bansa sa Asya at Estados Unidos.

Sinabi ni Arcilla na binigyan na ng clearance ang mga nabanggit na airline para ibalik sa Wuhan ang mga pasahero.

Kinumpirma naman ng tagapagsalita ng CAAP na aabot sa 500 hanggang 600 turistang Chinese ang ibabalik sa Wuhan.

“Siguro po mga limang daan hanggang anim na raan. Chartered flights po ito,” saad ni Eric Apolonio sa radio interview.

Sinabi ni Aklan Provincial Health Officer Cornelio Cuachon, may 135 mula sa Wuhan ang dumating sa bansa noong Huwebes bago pa inianunsiyo na suspindihin muna ang mga flight sa Wuhan.

Wala ni isa man sa kanila ang isinailalim sa quarantine dahil wala naman kinakitaan ng sintomas ng 2019-nCoV tulad ng lagnat.

Ang Kalibo airport ang bagsakan ng mga turistang patungo sa isla ng Boracay.

Sinuspinde na ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang lahat ng airline operations mula sa Wuhan, China patu­ngo sa anumang airport sa Pilipinas bilang precautionary measure sa banta ng novel coronavirus.

Ito ang napagdesisyuhan sa CAB special board ­meeting na ginanap kamakalawa nang hapon.

Inatasan din ng CAB ang lahat ng eroplano na nag-o-operate sa bansa na i-monitor ang lahat ng pangyayari sa mga bansa maaaring maapektuhan sa pagkalat ng novel coronavirus.

“Air carriers are directed to closely monitor the events that might transpire from other cities which may be affected by the coronavirus and shall take necessary precautions in ensuring that the health and safety of passengers are not jeopardized,” dagdag pa ng CAB.

Sa ulat ni Carmelo Arcilla, CAB executive director kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ang ginawang suspensiyon ay naglalayong maibsan ang posibleng pagkalat ng novel coronavirus.

Umabot na sa 25 katao ang namatay sa nasabing virus at daan-daan na ang tinamaan at ginamot sa nasabing sakit na nagmula sa Wuhan, China. (Juliet de Loza-Cudia/Otto Osorio)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More