Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

6 railway project arangkada bago umalis si Digong – Tugade

0 43

Tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade na magiging operational ang anim na malalaking railway project ng pamahalaan bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon.

Ayon sa kalihim, mahigit sa 400 kilometro ng mga bagong riles ang sasalang sa partial operation sa susunod na taon.

Sa kasalukuyan, 76.9 kilometro ng riles sa bansa ang operational.

Kabilang sa 400 kilometro ng riles ang P65 bilyong LRT Cavite South Extension Project; ang P9.7 bilyong LRT Line 2 East Extension Project; ang P75 bilyong MRT Line 7 Project; ang P356.96 bilyong Metro Manila Subway Project; P149.13 bilyong PNR Clark Phase 1 (Tutuban-Malolos) at ang P50.03 bilyong Subic-Clark Raiway Project.

Aniya, target nilang makapagtayo ng 1,200 kilometro ng mga riles pagsapit ng 2022 at sa susunod pang mga panahon na pakikinabangan ng tinatayang 4.5 milyong pasahero bawat araw.

Aniya, bago matapos ang buwan ay magiging operational na ang LRT Line 2 Extension project na 3.8-km Eastern extension ng gumaganang Line 2 mula sa Santolan station sa kahabaan ng Marcos Highway sa harap ng SM Marikina at magtatapos sa Masinag Junction o panulukan ng Marcos Highway at Sumulong Highway.

May karagdagan aniyang 80,000 pasahero ang makikinabang dito kada araw.

Nauna nang sinabi ni Tugade na gagastos ang pamahalaan ng mahigit P700 bilyon sa susunod na limang taon para sa pagtatayo ng malawakang proyekto sa riles sa Luzon at Mindanao.

Samantala, kabilang din sa mga railway project ng kagawaran ang LRT2 West Extension, MRT 3 Rehabilitation, MRT4 Project, North-South Commuter Railway, PNR South Long Haul Project at ang Mindanao Railway Project. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.