Mediamen, raliyista naligo sa water cannon

6 pulis, militante sugatan sa rally

By , ,

Anim na pulis at ilang raliyista ang nasu­gatan habang ilang miyembro ng media ang naligo matapos bombahin ng tubig ang mga militanteng grupong nagpupumilit na makalapit sa US Embassy­ at Philippine International Convention Center (PICC), sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila kahapon habang idinaraos ang Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit.

Sinabi ni National­ Capital Region Police Office (NCRPO) P/Chief Director General Oscar Albayalde, pawang minor injuries lamang naman ang tinamo ng mga pulis na kaagad pa ring isinugod sa pagamutan.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD), pa­sado alas-10:00 ng umaga nang magtipon-tipon sa Taft Avenue, kanto ng Padre Faura Street, sa Ermita na katabi ng Supreme Court ang mga raliyista, na galing sa Liwasang Bonifacio para tangkaing makalapit sa US Embassy at sa PICC na pinagdarausan ng summit.

Gayunman, hindi sila pinayagan ng mga awto­ridad na magbarikada pa sa lugar, kaya’t sinubukan ng mga raliyista na buwagin ang hanay ng mga pulis.

Dito na nagkagirian kaya’t napilitan ang mga awtoridad na bombahin ng tubig ang mga rali­yista upang matigil ang karahasang ginagawa ng mga ito.

Pinagbabato ng kahoy, bote at tsinelas ang mga pulis kaya nasugatan ang anim sa kanila.
Hindi rin nakaiwas ang ilang miyembro ng media na mabasa ng tubig.

Nang makita na hindi nila mabubuwag ang nakaharang na mga pulis ay dumating ang isang truck sa lugar na ginamit na stage para pagdausan ng maikling programa.

Bitbit ng mga nagpoprotesta ang isang 13-talampakang effigy ni Trump na may apat na kamay at sinunog nila sa kasagsagan ng programa.

Sinabi naman ni MPD Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel na hindi nila bubuwagin ang anumang rally at sa halip ay magpapatupad sila ng maximum tole­rance sa mga ito.
Gayunman, hindi aniya­ mangingimi ang mga pulis na arestuhin ang sinumang raliyista na lalabag sa batas. 

SHARE