Una sa Balita

6 na tulak huli sa buy-bust

0 304

Kalaboso ang anim na umano’y mga tulak ng iligal na droga na kinabibilangan ng dalawang bebot, matapos silang maaresto sa magkakahiwalay na drug operation sa Valenzuela City.

Sa ulat kay P/ Col. Carlito M. Gaces, hepe ng Valenzuela Police, unang nadakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sina Robert Dawat, at Ma. Cristina Dela Cruz, 33-anyos.

Bandang alas-10:20 kamakalawa nang gabi nang mahuli sila sa Barangay Bisig nang umiskor ng halagang P200 shabu ang isang undercover na pulis.

Nasamsam sa dalawa ang limang plastic sachet na may lamang shabu.

Dakong alas-12:35 nang hatinggabi nang nadakip naman sina Lina Librando, 45; Roberto Cantos, 45; John Carl Cabarco, 36; at Arnie Christian Agaton, 20.

Sa Barangay Marulas ginawa ang transaksiyon kung saan bumili ang undercover na pulis ng shabu sa mga suspek.

Nang iaabot na ang droga, doon na sila pinosasan ng iba pang pulis na kasama ng poseur buyer.

Narekober sa kanila ang pitong plastic sachet na may lamang shabu.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nadakip. (Orlan Linde)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More