Una sa Balita

6 Cagayan mayor missing in action sa bagyong ‘Ramon’

0 825

ANIM na alkalde ng iba’t ibang bayan ng lalawi­gan ng Cagayan ang hindi mahagilap sa ginagawang paghahanda ng lalawigan sa pananalasa ng bagyong Ramon na maaring tumama sa probinsya Sabado o Linggo.

Dahil dito nanawagan si Cagayan Governor Manuel Mamba sa mga mayor na ‘missing in action’ na bumalik na sa kani-kanilang bayan upang pamunuan ang paghahanda sa darating na bagyo.

Napag-alaman pa sa opisyal na mayroong tatlong alkalde ng probinsya ng Cagayan ang nasa Maynila habang tatlo ang nasa Tuguegarao, may isa pang mayor ang wala din sa kanyang bayan subalit ito ay nasa ospital kaya mayroon naman itong rason.

Nanawagan si Mamba sa anim na alkalde na kung wala naman silang valid reason ay bumalik na sila sa kani-kanilang bayan para sa paghahanda sa evacuation, relief operation sa mga posibleng masasalanta ng paparating na bagyong Ramon.

Matatandaan noong nakaraang taon ay ilang alkalde ng Northern Luzon ang inimbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) matapos tumama ang bagyong Ompong noong Setyembre kung saan mahigit sa 80 katao ang nasawi, 68 sa mga ito ay Cordillera Administrative Region (CAR).

Dahil din kay Bagyong Ramon ay nagpupulong na ang pamunuang panlalawigan kung kinakaila­ngan na nilang magpatupad ng liquor ban upang masigurong ang lahat ng residente partikular ang kalalakihan ay nasa hustong pag-iisip kapag tumama na ang bagyo sa lugar upang maiwasan ang disgrasya.

Kahapon ay maayos pa naman ang lagay ng panahon sa boung lalawigan kaya hindi nagsuspinde ng klase sa lahat ng bayan at lungsod. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy