Una sa Balita

6.3 QUAKE WALANG KONEK SA ‘BIG ONE’

By , , ,
Naglabasan ang mga estudyante ng Araullo High School sa Maynila matapos maramdaman ang lindol kahapon. (Jonas Sulit)
0 3

Nasaan ka nang lumindol ala-1:28 ng hapon kahapon? Malamang nasa trabaho o eskwelahan habang ang iba ay nasa labas o loob ng kanilang bahay nang maramdaman ang big­lang pagyanig ng lupa.

Naitala sa magnitude 6.3 ang lakas ng lindol at natunton ang epicenter nito sa Lian, Batangas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Bukod sa Batangas at mga karatig-probinsya nito sa Calabarzon ay naramdaman din ang pagyanig ng lupa na tectonic ang origin, sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.

Subalit pinawi ng Phivolcs ang mga pangamba na baka may koneksyon ito sa pinangangamba­hang ‘Big One’ sa Metro Manila na bunsod ng West Valley Fault. Bunsod umano ang lindol kahapon ng paggalaw ng Manila Trench.

“Ang pagyanig ay isang lindol na dulot ng tinatawag na pagkilos along the Manila Trench. Ang lindol po ay malalim, 160 kilometers, kaya marami din po ang nakaramdam.

“Hindi nagdulot ng tsunami ang lindol pero asahan pa umano ang mga aftershock. Posible namang magkaroon ng aftershocks pero remember itong lindol ay malalim kaya hindi siya masyadong destructive,” ani Phivolcs chief Renato Solidum.

Paliwanag naman ni Earthquake Monitoring Division head Ismael Narag, na ang Manila Trench ay isang oceanic trench na matatagpuan sa West Philippine Sea.

“Hindi ito related sa magnitude 7.2 na fault na bumabagtas sa Metro Manila. Ito po ay related sa nag-fracture na plate along Manila Trench,” ani Narag.

“Paalala lang talaga natin na ang Pilipinas ay talagang madalas maganap ang lindol so kung mapapansin natin ngayong 2017 medyo sunud-sunod ang earthquake natin. `Yung earthquake ngayon ay nagaganap malapit sa mga populated areas dahil dito nagkakaroon tayo ng mga casualties kaya importante na lagi tayong nagha­handa,” payo ng opisyal sa publiko.

GUSALI, SCHOOLS INUGA

Inuga ng lindol kahapon ang mga gusali at eskwelahan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon na naramdaman ang mala­kas na pagyanig kaya napilitan ang mga tao na lumabas sa mga establisimiyento.

Agad ding nagpalabas ng advisory ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagbibigay ng babala sa publiko na mag-ingat sa inaasahang serye ng mga aftershock kasunod ng magnitude 6.3 quake.

Inaalam na rin kung may mga pinsalang idinulot ang lindol sa mga naapektuhang lugar.