Una sa Balita

5K OFWs balik-bansa mula KSA

By
0 9

Aabot sa mahigit sa 5,000 undocumented at stranded overseas Filipino workers (OFWs) ang napauwi ng Department of Labor and Employment (DOLE) pabalik ng Pilipinas kaugnay ng amnestiyang inilabas ng gobyerno ng Saudi Arabia.

Ayon kay Labor Undersecretary Dominador Say, nasa kabuuang 5,575 OFWs ang nakatakdang makabalik ng bansa mula sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Maliban dito tinata­yang mayroon pang 2,241 OFWs ang naghihintay ng kanilang plane ticket bago makauwi ng bansa.

“Ready na lahat, may exit visa na sila, may travel documents na. Maaari na silang umalis anumang oras. Ticket na lang talaga ang kanilang hinihintay,” sabi ni Say.

Ang nasabing bilang ng mga OFWs ay kinabibilangan ng 1,161 Pilipinong migrante mula sa Jeddah at 1,080 mula sa Riyadh.

Aniya, mayroon pang 12,218 OFWs ang nagpahayag ng interes na kumuha ng amnestiya subalit ang iba sa kanila ay hindi na kuwalipikado dahil sa mga kasong kanila pang kinakaharap.

“Maraming nag-e-express na makauwi sa Pilipinas pero ang iba sa kanila ay hindi na kuwa­lipikado sa amnestiya dahil may mga kaso pa sila doon,” dagdag pa ni Say.

Sinabi rin ng opisyal na binabalak na ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na humingi ng tulong sa gobyerno ng Saudi para sa pardon o iba pang ayuda upang mapauwi ang mga OFWs na hindi kuwalipikado sa nasabing amnestiya.

Samantala, nagpaabot na ng tulong ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga napauwing OFWs at ang kanilang mga pamilya tulad ng airport assistance, psycho-social counseling/stress debriefing, at medical referral.

Ang programang Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) ay nagbibigay rin ng overseas employment referral sa bansa at abroad, tulong pangkabuhayan, legal at conciliation services, competency assessment at training assistance sa mga napauwi at nawalan ng trabahong mga OFWs.