Una sa Balita

574 aftershocks sa Leyte quake

By ,
0 251

Nakapagtala kahapon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 574 aftershocks mula nang maganap ang magnitude 6.5 na lindol sa Leyte.

Dakong alas-dos ng hapon kahapon nang maitala ang pinakamalakas na aftershock na may magnitude 3.7 kung saan ay naram­daman ang intensity 4 sa Ormoc City at Kananga, at intensity 3 sa Capoocan.

Samantala, tinunton ng mga tauhan ng Phivolcs ang Barangay Tongonan sa Ormoc City para matukoy kung saan tumagos ang bahagi ng Philippine Fault sa Leyte Segment.

Nag-inspeksiyon ang Phivolcs sa naturang fault line, ilang araw matapos yanigin ng magnitude 6.5 na lindol ang Leyte noong Huwebes.

Nakita sa bahagi ng Purok Dos ang resulta ng paggalaw ng fault line kabilang na ang mga bahagi ng kalsada na uma­ngat at nasira, at ang mga bahay na humiwalay sa orihinal na lapat ng kalsada. Sa basketball court ng Purok Dos natunton ang active fault na gumalaw.

Dahil dito, kinausap ng mga taga-Phivolcs ang mga may-ari ng bahay sa naturang lugar upang himukin ang mga ito na lumipat na para na rin sa kanilang kaligtasan.

Samantala, doble-ka­yod ngayon ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagkukumpuni ng mga pasilidad nilang napinsala ng lindol sa Visayas.

Ayon kay Atty. Cynthia Alabanza, tagapagsalita ng NGCP, may mga ginawa nang paraan ang mga lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng ahensya para maibalik ang suplay ng kuryente sa lalong madaling panahon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More