Una sa Balita

56 barangay, SK officials sa Baguio ‘di makaupo sa puwesto

By
0 254

NASA 56 opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ng Baguio City ang umano’y hindi pinayagang makaupo sa kanilang puwesto matapos madiskubreng hindi sila nagsumite ng Sworn Statement of Election Contributions and Expenditures (SOECE) sa Commission on Elections (Come­lec).

Ito ang kinumpirma ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan, matapos makipagpulong sa lokal na tanggapan ng Comelec at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Domogan, nakapagsunduan nila (Comelec at DILG) na hindi makakaupo ang 56 barangay at SK officials na hindi at late na nagsumite ng kanilang SOECE.

Ang 56 barangay at SK officials ay kinabibilangan ng isang barangay chairman, 12 barangay kagawad, tatlong SK chairperson at 40 SK kagawad.
“We hope that our barangay and SK officials involved in the matter will understand the situation where they are in because it is the Comelec en banc that will decide on what will happen to their predicament in the future,” ani Domogan.

Ayon sa batas ng Comelec, lahat ng kumandidatong opistal ng barangay at SK, nanalo man o natalo ay obligadong magsumite ng kani-kanilang SOECE.
Sinabi ni Domogan na magsilbi sanang aral sa ang insidente sa mga nakaupong opisyal na kailangang sumunod sa batas. (Allan Bergonia)