Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

55km bike lane sa Davao binuksan na

0 33

Inanunsiyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na bukas na sa publiko ang 54.744 kilometer bike lane network sa Davao City.

Ayon sa kalihim, ang naturang bicycle lane na pinasinayaan noong Hulyo 20 ay itinayo upang matiyak ang kaligtasan ng mga siklista.

“These bicycle lanes are dedicated and protected. Ibig sabihin, ang mga siklista, hindi na kailangang maki­pagbunuan sa kalsada. You don’t have to ply the roads in fear na baka kayo ay maaksidente o masagi ng sasakyan o motor na nakakasabay sa daan. These bike lanes are for you, our dear cyclists,” ani Tugade.

Kaugnay nito, nanawagan rin ang DOTr official sa madla na ingatan ang nasabing pasilidad.

“Ako po ay nakikiusap sa ating mga kababayan — mapa-cyclist, motorista o pedestrian ka man — gamitin natin ito nang tama. Pairalin natin ang respeto at kortisiya sa kalsada, para ‘everybody safe, everybody happy’,” apela pa niya.

Nabatid na ang naturang bike lane project ay kumumpleto sa 497 kilometer bike lane network sa Davao City, Metro Manila at Metro Cebu na ang layunin ay isulong ang active transport bilang sustainable at episyenteng pamamaraan ng transportasyon.

Saklaw nito ang 14 road section sa loob ng Davao City kasama ang Quim­po Blvd., Sandawa Road, Roxas Ave., Quezon Ave., Quirino Avenue, E. Jacinto Extension, Dr. A. Gahol St., Mabini St., F. Torres St., Loyola St., Porras St., Inigo St. at Decasio St.

Upang matiyak naman ang kaligtasan ng mga biker, ang naturang bicycle lane ay nilagyan ng puti at berdeng mga pavement marking, mga signage, mga bollard, mga bike symbol, mga solar stud at mga konkretong delineator. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.