Una sa Balita

51 container ng basura ibalik sa South Korea

By
0 1,103

Pinababalik ng isang kongresista ang 51 container van na naglalaman ng mga basura na pinasok sa Pilipinas galing ng South Korea.

Nabatid na ang 51 container van na puno ng solid waste o basura ay pinasok sa bansa mula sa South Korea at idinaan sa Port of Tagoloan, Mi­samis Oriental kung saan matatagpuan ang Mindanao International Container Terminal.

Ang naturang pantalan ay nagseser­bisyo sa Iligan City, Cagayan de Oro City, at iba pang lugar sa Mindanao.

Batay sa Bureau of Customs (BOC), ang shipment ng basura ay pumasok sa Pilipinas noong Hulyo 24.

Pagsapit ng Oktubre 24, pinadala ng kompanyang Verde Soko Philippines ang kinatawan nito sa BOC para ipatanggal ang “abandonment” ng kanilang shipment.

Matatandaan na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nagpasok ng bultong basura sa bansa. Naging isyu rin ang imported na basura na galing sa Canada.

Kinalampag ni Rep. Frederick Siao ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) na ipasara at kumpiskahin ang lahat ng mga asset ng Verde Soko.

Binigyang-diin pa ni Siao na dapat arestuhin at kasuhan ang mga opisyal at supervisor ng Verde Soko sa paglabag sa batas ng Pilipinas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy