Una sa Balita

5,000 sako ng NFA rice nasira sa tagal idiskarga

By
0 308

NAPUNA ang kabagalan ng National Food Autho­rity (NFA) sa pagdidiskarga ng mga bigas nito na hindi pa man nakakarating sa pamilihan ay nabasa na ang mga ito.

Pero dumepensa kahapon ang NFA sa mga batikos sa kanila at sinabi ng tagapagsalita nito na si Rex Estoperez na hindi maiiwasan ang ganitong pangyayari lalo at masama ang panahon pero wala naman anyang pagkukulang dito ang ahensiya.

Nilinaw ni Estoperez na walang dapat na ika­bahala dahil walang epekto sa supply ng NFA ang pagkabasa ng mga sako-sakong bigas.

Sa datos ng NFA, may 5,000 sako ng bigas ang nabasa na mula sa Subic, National Capital Region at Region 4.
Pero kung susumahin anya ay wala pa sa isang porsiyento mula sa kabuuang inangkat ang mga nabasang bigas. Hindi rin anya kawalan ito sa gobyerno dahil hindi babayaran ng NFA ang mga nasayang na bigas bagkus ay sasagutin ito ng supplier.