Una sa Balita

500 Pamilyang aeta palaban sa BCDA-Dizon

0 554

INISNAB ng mga katutubong Aeta ang abiso ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) na pinamumunuan ng bata ni House Speaker at Phisgoc chair Alan Peter Cayetano na si Vince Dizon, na lisanin sa loob ng pitong araw ang lupang kanilang tinitirahan sa Capas, Tarlac.

Ayon kay Aya Santos ng grupong Sandugo-Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination, mayroong 500 pamilya ng Aeta ang nagdesisyon na manatili sa kanilang tinitirahan kung saan matatagpuan ang ipinatayong New Clark City (NCC) na ginamit para sa hosting ng 30th Southeast Asian Games.

“Hindi pa rin sila umaalis. Ayaw nilang umalis dun. Hihintayin nilang sapilitan silang i-demolish,” paglalahad ni Santos.

Ang mga Aeta ay sapilitang pinalayas ng BCDA nang ipatayo ang NCC para sa SEA Games.

Mayroon pang 500 pamilya ang naiwan sa paligid ng NCC na naninindigang pag-aari nila ang lupa na minana pa sa mga ninuno.

Nagbigay na ng eviction letter ang BCDA na may petsang Nobyembre 29, 2019 at binibigyan ng pitong araw ang mga aeta para lisanin ang lugar.

Nakasaad sa notice na kung boluntaryo silang aalis ay bibigyan sila ng tulong pinansiyal pero kung hindi ay ipagigiba umano ng BCDA ang kanilang mga bahay at pakakasuhan pa ang mga aeta.

Sinabi pa ni Santos na ilan sa mga napilitang umalis ay hindi naman binigyan ng kompensasyon.

“Wala pong bayad pa,” saad ni Santos sa panayam ng Abante.
Nakatakda namang magsagawa ng kilos protesta ang mga pinalayas na Aeta sa Gate 2 ng Camp Aguinaldo upang ikondena ang pang-aapi ng gobyerno sa mga katutubo.

Nauna nang sinabi ni Capas, Tarlac Mayor Reynaldo Catacutan na hindi totoong Aeta ang mga pinapalayas sa NCC. Ang mga orihinal umanong katutubo ay inilipat na sa resettlement area sa Brgy. Kalangitan matapos bayaran ng tig-P100,000 hanggang P200,000.

Pinadalhan ng e-mail ng Abante ang BCDA subalit makalipas ang dalawang araw ay hindi pa rin sila sumasagot hinggil sa mga isyung ipinupukol laban sa kanila.

Si Dizon ay dating consultant ni House Speaker Alan Peter Cayetano noong senador pa ito. Si Cayetano din ang chair ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc).

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More