Una sa Balita

50/50 ang buhay ng mga pasahero sa karagatan

0 263

Maraming aksidente na ta­yong nasaksihan o napanood sa telebisyon hinggil sa mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga sasakyang pandagat at hindi na natin mabilang sa daliri ang namamatay pero hindi pa rin tayo natututo.

Hanggang ngayon, umaasa na lamang tayo sa resulta ng imbestigasyon sakaling may magaganap na trahedya sa dagat at kung ano ang sabihin ng mga nag-imbestiga ay doon na tayo matatapos.

Kaya ko naisipang talakayin ang problemang ito ay dahil madami ang nagbubuwis ng buhay pero wala tayong ginagawang solusyon para maiwasan ang kamatayan sa dagat na ilang ulit nang naulit nang paulit-ulit.

Isa sa hindi ko makakalimutang trahedya sa dagat ay ang paglubog ng tatlong bangkang pampasahero sa Iloilo-Guimaras Strait kamakailan na ikinasawi ng 31 katao.

Base na naman sa imbestigasyon, tumaob umano ang mga bangka matapos salpukin ng naglalakihang alon sa gitna ng karagatan ilang oras matapos na makaalis sa pier.

Medyo nagtuturuan ang Pag-asa at ang Philippine Coast Guard hinggil sa pangyayaring ito kung sino ang may pagkukulang dahil nakaalpas na magbiyahe ang mga bangka gayung may signal umano na masama ang panahon.

Idagdag pa dito na lumabas sa imbestigasyon na karamihan sa mga pasahero ay walang suot na vest kaya pagtaob ng bangka ay marami agad ang namatay dahil hindi naman marunong magsilangoy.

At hindi ko naman hinihiling na maulit muli ang trahedyang ganito ngunit naniniwala ako na ilang araw lamang ay huhupa na ang balitang ito at paglipas ng ilang panahon ay may mauulit na naming trahedya sa karagatan.

Ang sa akin lang sana ay magkaroon ng standard na disensyo ang mga pinapayagang bangka sa karagatan hindi ‘yung karamihan sa bangka ay tantiyang disensyo lamang ng mga mangingisda.

Walang standard na sukat, basta lumutang lang ang isang bangka o kaya ay nakita ang sukat ng bangka ng kapwa bangkero ay gagayahin na at walang batayan kung tumataob ito sa lakas ng alon o hangin.

Ang mga bangka kasi kapag ang bigat niya ay walang isang tonelada ay naikukuha ito ng rehistro sa lokal na munisipalidad at kapag ang bi­gat ng bangka ay isang tonelada pataas ay sa Maritime Industry Authority (Marina) na ito pinarerehistro.

Pero kapwa sila walang standard na sinusunod, may mga pagkakataon nga na ang isang bangka ay sobra ang laki pero napakaliit ng naka­kabit na makina at pati elisi tantiya­han lang ang ikinakabit basta umikot at umusad ang bangka, ayos na.

At ang pinakamalala ay ang bangkang gamit para mangisda na nairehistro para manghuli ng isda ay ginagawang pampasaherong bangka at ang mga ito ang karaniwang nasasangkot sa aksidente dahil sa kakulungan ng kaalaman at kagamitan sa oras ng trahedya.

Ibig sabihin, napakarami ng dapat pag-usapan at ayusin sa sistema hanggang sa pisikal na kaanyuan ng bangka upang hindi na maulit pang muli ang mga grabeng trahedya sa dagat.

Sana lang ay mapagtuunan ito ng pansin ng kinauukulan bago muling may masawi sa karagatan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy