Una sa Balita

5-ORAS NA DILIM!

By
0 2

Libu-libong paalis na pasahero ang naperwisyo ng mahigit limang oras na brownout kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling-araw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Alas-8:45 ng gabi nang mawala ang kur­yente at alas-dos na ng madaling-araw nang mabalik ang power. Pati ang generator sets ng paliparan ay nabigong gumana kaya’t naparalisa ang ope­rasyon ng pangunahing airport.

Dahil dito, kanya-kanyang “sorry” sa publiko sina Manila International Airport Authority (MIAA) spokesman David de Castro at Sec. Joseph Emilio ‘Jun’ Abaya ng Department of Transportation and Communications (DOTC).

Maging ang palasyo ng Malacañang ay abut-abot ang paghingi ng paumanhin sa na-stranded na mga pasahero at sinabing iniimbestigahan na ng pamahalaan ang punu’t dulo ng power outage at sa pagpalya ng backup na power supply at sinisigurong hindi na ito mauulit.

Paliwanag ni De Castro, nagkaroon ng ‘technical glitch’ sa source ng kuryente sa naturang pali­paran pero bukod ­tanging ang Terminal 3 lamang ng NAIA ang naapektuhan at ang ibang terminals nito ay maayos ang operasyon.

Ang mga paparating na eroplano sa Terminal 3 ay kinailangang i-divert sa Terminals 1, 2 at 4 ng NAIA.

Ayon kay Jayson Nelias ng NAIA Media Affairs, umabot sa 80 flights ng Cebu Pacific ang nakansela dahil sa mahabang oras ng brownout samantalang may 31 flights na naantala.

Kahapon ng alas-10:00 ng umaga ay naibalik na sa normal ang operasyon sa nasabing terminal.

Aberya sa Meralco substation

Sa isang panayam, nabatid kay MIAA Senior Assistant General Ma­nager Vicente Guerzon na nagkaroon ng diperensya ang substation ng Meralco sa NAIA na siyang ugat ng brownout.

Idinagdag pa ni Guerzon na inaalam na ng mga official ng NAIA at Meralco ang naganap na “power tripping” upang hindi na ito maulit.

Pero sa pahayag sa media, sinabi ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, na sa kanilang ginawang pag-iinspeksyon wala naman silang nakitang problema sa circuit ng nasabing lugar.

Aniya, base sa kanilang assessment, posibleng sa “customer load” umano nagkaroon ng problema.

Dakong ala-una ng madaling-araw nang dumating ang mga tauhan ng Meralco upang ayusin ang matinding epekto ng power outage, ngunit maging sila ay nahirapang matukoy ang sanhi ng brownout dahil maayos naman ang kanilang wi­ring sa naturang terminal.

“Sa pagsusuri ng mga tauhan namin wala silang nakitang anumang epekto na nanggaling sa Meralco hinggil sa limang oras na blackout sa nasabing paliparan,” pahayag pa ni Zaldarriaga.

Nabatid na nagkaroon ng loose power bandang alas-8:45 ng gabi dahil sa naranasang “technical glitch” sa source ng kur­yente sa naturang lugar.

“Medyo kailangan na­ting i-clarify iyan. Tulad nga ng sinabi ko noong aming i-check ay hindi na ho Meralco side iyon. Ang loadside, kung may bahay ka sa metering point that is the Meralco jurisdiction. Ang linya papasok sa loob ng bahay, that becomes the jurisdiction of the customer,” dagdag pa ng Meralco spokesman.

Paralisado ang operasyon

Ayon naman kay NAIA Terminal 3 Manager Octavio Lina, napaandar nila ang lahat ng generators available on operations, subalit ito ay para lamang sa airport lights at sa air-conditioning systems.

“I am very thankful to all airline personnel at the check-in counters, immigrations, customs and members of the Office of Transport Security (OTS) who stood behind us despite of darkness, they’re still there for us entertaining passengers while airport and aviation policemen are dispatched in all areas of the airport giving security to all passengers inside the terminal,” ani Lina.

Sinabi pa ni Lina na ang lahat ng system sa buong terminal ay “down” na pumaralisa sa operas­yon, partikular na sa departure area. Ang operations sa arrival area ay patuloy kahit na may limitadong resources.

Ayon naman kay Sec. Abaya, mayroong hindi gumanang generator set dahil hindi ito nag-kick-in.

“Posibleng hindi maayos ang maintenance ng hindi gumanang ge­nerator set,” anang kalihim.

Paniniyak nito sa publiko, “Mag-iimbestiga po kami dito, kung bakit nagkaroon ng brownout sa lugar na ‘yun. Pag-aaralan namin ‘yung nangyari upang hindi na ito maulit. Muli po akong humihingi ng paumanhin sa mga pasaherong na-delay ang kanilang mga flights.”

Mula sa palasyo ng Malacañang, “Hinihingi ang paumanhin ng lahat ng naperhuwisyo ng ‘di inaasahang pangyayari. Gagawin ang nararapat upang hindi na maulit ito,” ani Communications Sec. Herminio Coloma Jr. (With Boyet Jadulco)