Una sa Balita

5 Indonesian binihag ng Abu Sayyaf

0 282

DINUKOT ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang limang mangingisdang Indonesian national, ayon sa Phi­lippine Army kahapon.

Sinabi ni Major Arvin Encinas, tagapagsalita ng Western Minda­nao Command, ipinagbigay alam ng kanilang Malaysian counterpart sa Joint Task Force Tawi-Tawi ang insidente kamakalawa.

Naganap ang pagdukot sa karagatang sakop ng Tambisan sa Lahad Datu, Malaysia. Isang tugboat SSK 00543 na lulan ang walong mangingisda ang nawala noong Enero 15, 2020.

Noong Biyernes, Enero 17, natagpuan ng awtoridad ng Malaysia ang sinasabing tugboat sa Tangusu Bay sa Sabah pero tatlong mangingisda na lang ang laman nito.

Kinilala ni Encinas ang tatlong mangingisda na sina Abdul Latif, Daeng Akbal, at Pian Bin Janiru.

Nawawala ang lima nilang kasamahan na sina Riswanto bin Hayono, Edi bin Lawalopo, La Baa, Arizal Kastamiran, at Arshad bin Dahlan.

Base sa salaysay ng natirang tatlong mangingisda, gumamit umano ang anim na mga armadong suspek ng gray na barko na mayroong dalawang 40 horsepower engine, nakasuot umano ang mga ito ng itim na damit at nakamaskara ang mga ito.

Ipinag-utos na ng Joint Task Force Tawi-Tawi sa lahat ng kanilang unit na magsagawa ng intelligence monitoring sa mga lugar na maaari umanong gawing kuta ng teroristang grupo. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More