Una sa Balita

5 galamay ng KFR gang, 1 pulis todas sa Laguna encounter

By ,
0 1,195

Limang mga hinihinalang kidnap for ranson group member ang patay sa engkuwentro laban sa mga pulis sa Maharlika Highway, Brgy. San Nicolas, San Pablo, Laguna kahapon ng alas-sais ng umaga.

Patay din ang isang babaeng pulis habang apat pang mga alagad ng batas ang suga­tan sa barilan.

Sa inisyal na report ng Quezon police provincial office, ang engkuwentro ay kaugnay ng nangyaring pagdukot sa isang Ronaldo Arguelles ng mga armadong kalalakihan sa Cristina Village, Brgy. Mangilag Sur, Candela­ria, kamakalawa ng gabi.

Bandang alas-6:15 ng gabi nang pasukin ng mga suspek na nagpakilalang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang bahay ng biktima at pinadapa ito at mga kasambahay.

Hinalughog ang bahay at tinangay ang mga mahahalagang kagamitan.

Pagkatapos ay mabilis na tumakas ang mga suspek na pawang nakasuot ng military uniform at tinangay si Arguelles kasama ang kotse nitong Honda Civic, na may plate WBN 505 saka sumibad patungo sa hindi matukoy na direksyon.

Nagkaroon umano ng ransom demand ang mga kidnapper sa pamil­ya Arguelles at nagkasundo na magbibigayan ng P700,000 kapalit ng kalayaan ng biktima.

Kahapon ng umaga ay magkakaroon na sana ng pay-off sa Brgy. San Nicolas, San Pablo subalit nahalata ng mga suspek ang presensya ng mga awtoridad na dahilan para magkaroon ng engkuwentro.

Sa follow-up operation ng Candelaria police at San Pablo Police, namataan ng mga ito ang sinasakyang SUV ng mga suspek habang isasagawa ang pay-off.

Habang papalapit ang mga pulis, biglang sumiklab ang barilan na nagresulta ng ­agarang pagkasawi ng apat na suspek na pawang ­nakasuot ng mga ­military uniform habang nasawi naman ang isa habang nilalapatan ng lunas sa ospital.

Patay din ang isang babaeng pulis na si SPO1 Sara Andal ­habang sugatan pa ang apat pang kasamahan nito at ang kidnap ­victim na si Arguelles.

Ayon kay Quezon Provincial Director, ­Senior Superintendent Rode­rick Armamento, si Arguelles ay big time drug personality sa Candelaria at may mga pending drug cases sa Candelaria at San ­Pablo.

Posible din umanong drug related ang motibo sa kidnapping.

Patuloy pa ang im­bestigasyon sa insidente at inaalam ang mga pangalan ng mga ­nasawing suspek.