Una sa Balita

5 BIFF nasakote: Pampasabog, baril nakumpiska

By
0 316

NAPIGILAN ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang isa pang planong pambobomba ng mga mi­yembro ng Islamic State linked terrorist na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na target ang matataong lugar sa Mindanao matapos ang isinagawang raid sa safehouse ng mga ito sa bayan ng Paglat, Maguindanao kamakalawa.

Limang galamay ng teroristang grupo ang naaresto gayundin ang malalakas na uri ng pampasabog, ayon sa ulat ng opisyal ng Philippine Army kahapon.

Sa ipinadalang ulat ni Lt. Col. Ha­rold Cabunoc, Commander ng 33rd Infantry (Makabayan) Batta­lion, nagsagawa ng counter terro­rist operation ang kanyang unit dakong alas-tres nang madaling-araw kamakalawa matapos ang natanggap na impormas­yon hinggil sa presensiya ng mga ISIS inspired terro­rist group na may mga malakas na uri ng pampasabog sa Barangay Pa­lagad, isang remote barangay sa ba­yan ng Paglat.

“Our informant showed us the pictures of terrorist bombers Ustadz Yas­ser Saligan and his cohort, Sheik Makakena, a.k.a. Abu Jihad, as they detonated a bomb to test its letha­lity, we have been tracking the suspect since November 2018,” pahayag ni Cabunoc sa ipinadala nitong statement sa mga reporter.

Ginapang ng pinagsanib na puwersa ng 33rd Infantry Battalion at 4th Special Action Force (SAF) Battalion, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ARMM at Maguinda­nao Provincial Police Office ang safehouse ng mga terorista at nahuli nila ang limang suspek na nabig­la sa pagsugod.

Nakuha nila sa pag-iingat ng mga ito ang apat na mala­lakas na uri ng pampasabog, at 3 kalibre .45 baril su­balit hindi nakasama sa naaresto sina Abu Jihad at Ustadz Yasser matapos umanong makatakas sa pamamagitan ng pagtalon sa Liguasan Marsh.