Una sa Balita

4Ps iskolar nangibabaw sa Naval Architect and Marine Engineer licensure exam

By
0 326

Patunay umano ng pagiging matagumpay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pangingibabaw sa 2018 Naval Architect and Marine Engineer licensure examination ng Pantawid scholar na si Joseph Vincent Satura.

Nagpaabot nang pagbati si Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin kay Satura, 21-anyos ng Cebu.

Ipinakikita lamang aniya nito ang benepisyong hatid ng 4Ps at kung paano mababago ng programa ang buhay ng ordinaryong Pinoy.

Marami pa umanong kuwento ng tagumpay ng mga iskolar ng 4Ps ang hindi pa naisasapubliko.

“We hope that Joseph and his parent’s journey will inspire millions of 4Ps families in the country, change the hearts of 4Ps relentless critics, and push decision-makers to make a better future more reachable to poor Filipinos by passing a law that will institutionalize the 4Ps,” pahayag ni Villarin na isa sa mga nag-akda ng 4Ps bill na inaprubahan ng Kamara noong Agosto ng kasalukuyang taon.

Si Satura na nagtapos sa University of Cebu ay nakakuha ng rating na 92.20. Pito pa niyang kaklase sa pamantasan ang nakapasok sa Top 10.