Una sa Balita

455M blokeng droga nasabat sa apartment

0 334

UMAABOT sa 67 kilo ng droga na nagkakahalaga ng P455 milyon ang nakumpiska nang salakayin ng mga tauhan ng pinagsanib puwersa ng mga tauhan ng Las Piñas City Police, Southern Police District (SPD), Philippine Drug Enforcement Agency­ (PDEA) at Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) ang isang apartment sa Barangay Talon Las Piñas City kahapon ng madaling-araw.

Base sa natanggap na report ni Police Lt. Gen. Camilo Cascolan. PNP-Deputy Chief for Operations, isang impormante ang nag-tip na isang unit sa Lot 27, Block 6, a F. Manalo St. Golden Acres Subd., Brgy. Talon ng nasabing lungsod na ginagawang werehouse ng droga.

Sinabi ni Cascolan na ang nasabing unit ay inuupahan ni Joel Bustamante at ng kinakasamang si Melanie Salem na una nang nadakip ng pulisya.

Agad naman nakipag-ugnayan si Cascolan sa SPD, Las Piñas City Police, PDEA at PDEG at pinuntahan ang naturang bahay. Hindi sila agad pumasok dahil nag-aantay sila ng court order para makapasok sa loob ng unit.

Mismong may-ari ng apartment na si Maria Clavo ang nagbigay ng pahintulot sa kanila na pasukin ang unit na inupahan ni Joel Bustamante dakong alas-5:15 ng umaga.

Nang makapasok na ang mga awtoridad dito na tumambad sa kanila ang bloke–blokeng hinihinalang droga na may 67 kilo na nagkakahalaga ng P455,600,000.00 na nakatago sa bodega sa ilalim ng hagdanan.

Bukod kay Cascolan dumating din si PNP Officer in Charge Archie Gamboa sa nasabing lugar.

Aniya, naunang naaresto si Joel at ang kapatid nitong si Mervin Bustamante nitong nakalipas na Miyerkoles (Nobyembre 27) sa isang parking lot sa may C-5 Extension, Brgy. Manuyo Las Piñas City na kung saan nakumpiskahan ng 17 kilo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa green tea bag sa isang kotse na aabot sa P115.6 milyon piso ang halaga ng nasabing droga.

Ang magkapatid na Bustamante ang umanoy drug courier ng Chinese national na si Liu Chao na nadakip at nakumpis­kahan ng apat na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2.7 bilyon sa isang apartment sa Banoyo St., Brgy. San Antonio Makati City na ginawa umanong shabu werehouse.

Sinabi pa ni Cascolan,­ patuloy pa rin silang nagsasagawa ng imbestigasyon at inaalam pa rin nila kung mayroon pang mga warehouse o kasabwat sa pagbebenta ng mga droga sa iba’t ibang lugar ang magkapatid na Bustamante. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More