Una sa Balita

43 rebelde sumuko sa Central Luzon

0 349

PINAGKALOOBAN ng tulong ng lokal na pamahalaan ng Pampanga ang 43 dating mga miyembro ng Communist Party of the Philippines (CCP) na boluntaryong sumuko sa pamahalaan.

Mismong sina Pampanga Gov. Dennis ‘Delta’ Pineda at ina nitong si Vice Governor Lilia ‘Nanay’ Pineda ang nag-abot ng tulong pinansyal sa mga sumukong rebelde mula sa iba’t ibang probinsya sa Central Luzon.

Nagsilbi umano silang mga front ng CCP sa buong rehiyon at kusang sumuko sa pamahalaan nang matanto na walang pinatutunguhan ang kanilang mga pakikibaka sa loob ng ilang dekada.

Tumanggap ang mga sumukong rebelde ng P15,000 bawat isa maliban pa sa ibinigay ng gobernador na medical at educational assistance sa kanilang mga pamilya.

“Kung wala rin kayong pupuntahan sa probinsya ninyo at wala kayong magiging trabaho, subukan niyong lumapit sa amin,” sabi pa ng gobernador.

Bukod sa mga nasabing tulong, ayon sa gobernador, makakatanggap din ang mga dating rebelde ng cash assistance sa pamamagitan ng Enhanced-Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan.

Tutulong din ang Department of Interior and Local Government na mabigyan ng valid na identification card para makakuha ang mga dating rebelde ng kanilang birth at marriage registration. (Rudy Abular)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy