Una sa Balita

40 preso patay sa siksikang selda

By
0 2,031

UMAABOT na sa 40 ang bilang ng mga namamatay na preso sa iba’t ibang kulungan sa Metro Manila dahil siksikan at malalang kondisyon ng mga pasilidad, ayon kay incoming Philippine National Police (PNP) ­Director General Oscar ­Albayalde.

Ang datos, ayon sa opisyal ay simula lang noong Hulyo 2016 hanggang sa kasalukuyan kung saan ang Pasay City detention cell ang nakapagtala ng may pinakamataas na bilang ng mga presong namatay sa loob ng kulungan dahil sa halos sardinas na ang mga ito sa sikip.

“Minsan good for 30 lang po ang detention cell, pero ang nakakulong kulang-kulang 100, kaya hindi maiiwasan ang magkahawaan ng sakit o kaya ay atakihin ng heat stroke ang isang preso,” pahayag ni Albayalde.

Nitong Miyerkoles ay isang preso na nakilalang si Domingo delos Santos ang namatay matapos ata­kihin sa puso sa loob ng detention cell ng Station Investigation and Detection Management Branch ng Pasay City Police. Pitong iba pa ang nawalan ng malay tao dahil sa sobrang init bunsod ng siksikang mga preso sa loob ng kulungan.

Nakikita naman ni Albayalde na ang mabilis na pagkuha ng commitment order mula sa korte ang isang paraan para mabawasan ang mga preso sa selda ng mga istasyon ng pulis­ya.

“Ang pagpapabilis ng commitment order sa korte ‘yun po ang pinakaimportante kasi nga po ‘di natin maili­pat ‘yan sa mga regular na jail handled by BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) without a commitment order,” pahayag ni Alba­yalde sa isang panayam.

Bukod dito, tumutugon din ang mga pamahalaang lokal para makatulong sa pagresolba ng problema lalo na sa Pasay City kung saan planong ilipat ang istasyon ng pulisya sa mas malaki at magandang lugar. Ang nasabing proyekto ay nakatakda umanong umpisahan ngayon tao.