Una sa Balita

4 teenager ‘nagtutulak’ para may pambaon sa eskwela

By
0 92

PAMBAON sa eskwelahan ang sagot ng tatlong estudyante habang wala namang pantustos sa pag-aaral ang isa kaya nagawa ng apat na kabataan na magtulak na lamang ng ipinagbabawal na damo upang may pera at makain.

Ito ay matapos maaresto ng Marikina Police ang apat na kabataan sa ikinasang drug buy-bust ope­ration, kamakalawa nang gabi sa Brgy. Nangka, Marikina City.

Kinilala ni station drug enforcement unit chief Insp. Greco Gonzales, ang mga suspek na sina Barron Servillon, 18-anyos; estudyante; Ronell de Dios, 18, vendor; Janus Isaac Miguel, 19, estudyante, at isang hindi na ipinakila­lang menor de edad.

Ikinasa ang buy-bust operation bandang alas- 8:45 kamakalawa nang gabi sa Banahaw St., Marikina Village, Brgy. Nangka, para mahuli ang kanilang target na si Servillon na talamak na nagbebenta ng marijuana sa nasabing lugar.

Batay sa report, isang pulis ang poseur buyer at na­kabili ng pakete ng pinatu­yong dahon ng marijuana kay Servillon at nang aarestuhin na ito ay nagpumiglas ang suspek matapos makatunog na pulis ang kanyang katran­sakyon.

Dito na siya tinulungan ng tatlong kasabwat na napag-alamang mga kasama ni Servillon sa pagtutulak ng damo.

Nanlaban ang apat na kabataan na kung saan isang pulis ang nasugatan sa pagwawala ng mga ito.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang siyam na pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, isang ziplock transparent plastic at P 500 na ginamit bilang buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Illegal Drugs Act at Direct Assault habang ang menor de edad naman ay agad itinurn-over sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).